^

Punto Mo

Screening sa mga bagong panganak na sanggol

DOCTOR’S TOUCH - Dr. Luis Gatmaitan M.D - Pang-masa

MAAARING narinig n’yo na ang newborn screening. Ang newborn screening ay ginagawa sa mga sanggol na kapapanganak lamang upang matiyak na wala silang taglay na limang kondisyon na posibleng magdulot ng damage sa utak (mental retardation), problema sa paglaki (stunted growth), pagkasira ng mga red blood cells, damage sa atay, o kamatayan.

Mas maagang maisagawa ang newborn screening, mas mainam. Katunayan, dapat ay sa unang tatlong araw pagkapanganak ng sanggol ito gawin. Kung medyo ide-delay ito nang kaunti, at nagkataong taglay-taglay ng bata ang isang kondisyon na kabilang sa tinatawag na metabolic disorder, baka nagkaroon na ng damage sa ilang organo ng katawan bago pa nalunasan. Preventive po ang  approach natin sa pagsasagawa ng newborn screening.

Maitatanong n’yo, bakit naman noong sanggol pa tayo, hindi tayo nagkaproblema kahit walang ginawang newborn screening sa atin? Ito ay dahil nagkataong malusog talaga tayo noong ipinanganak at hindi natin taglay sa ating katawan ang “limang kondisyon” na sinusuri ng newborn screening. Pero paano kung isa pala tayo sa mga sanggol na nagtataglay ng alinman sa mga sakit na ito: Glucose-6-phosphate dehydrogenase deficiency (G6PD deficiency), Congenital Hypothyroidism, Congenital Adrenal Hyperplasia, Galactosemia, at Phenylketonuria (PKU). Nakakalungkot kung mangyari ito sa sanggol. 

Kapag ipinanganak kasi ang mga sanggol na may ganitong kondisyon, normal pa rin silang masdan. Maayos ang pisikal na anyo. Mapapansin lamang na may problema ang sanggol pagkalipas ng ilang linggo o buwan kapag nagsimula nang lumabas ang mga sintoma. Doon pa lamang maghihinala ang magulang na mukhang may problemang dinadala ang sanggol. Pero ang masaklap, baka sa panahong ‘yun ng pagkatuklas ay may damage nang nagawa ang sakit na ‘yun sa katawan ng sanggol.

Walang katumbas na pangalan sa Tagalog ang limang nabanggit na sakit.

Paano ginagawa ang newborn screening? Tinutusok ng karayom ang sakong ng sanggol para makakulekta ng kahit ilang patak ng dugo. Ididikit ang mga ito sa isang card na siyang ipadadala sa laboratoryong susuri upang malaman kung tinataglay ng sanggol ang kahit isa sa 5 kondisyon na kung tawagin natin ay “metabolic disorders.”

Matapos masuri, padadalhan agad ng resulta ang doctor ng naturang sanggol. Kung negative ang result ng newborn screening,  ibig sabihin ay malusog ang baby. Kung positive ang naging resulta, taglay ng bata ang sakit na puwede namang maagapan. Papayuhan ang kanilang mga magulang ng attending doctor at maaaring hilingang pumunta sa National Institutes of Health sa Philippine General Hospital (PGH) para sa isang orientation o lecture upang higit nilang maunawaan kung ano ang sakit na mayroon ang anak nila. Doon ay malayang matatalakay kung ano ang dapat at di dapat gawin o kainin sa tinataglay na kondisyon ng sanggol. Maagang matututukan ito bago pa makapaminsala sa katawan ng sanggol.

Hindi naman kamahalan ang newborn screening. Kaya maipapayo kong lahat ng sanggol na kapapanganak pa lang ay maipasailalim dito.

Lahat nang ospital, pribado man o pampubliko, ay nagsasagawa na ng newborn screening. Kaya lahat halos ng sanggol na ipinanganak sa ospital ay nagagawan nito matapos maipaliwanag sa magulang ang mga benepisyo ng maagap na newborn screening.

Kung sa bahay nanganak ang nanay o sa isang lying-in, puwedeng ipagawa ang newborn screening sa isang establisadong ospital pagkalipas ng 48 oras pagkapanganak.

OSANG

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with