Siksikang mga piitan!
Matagal na ang problema sa siksikang mga bilangguan sa bansa.
Sa maraming insidente, doble o minsan pa nga ay triple ang nagiging bilang ng bilanggo sa bilang na dapat lang sa isang piitan.
Nakakita na rin tayo na shifting sa pagtulog ang mga preso, dahil nga sa hindi sila kasya sa selda kung sabay-sabay silang hihiga, kaya ang usapan, pagtulog ang ilan, nakatayo muna ang iba.
Meron din namang nag-aala ‘spiderman’ na ang iba na nakasabit na lang sa mga rehas dahil sa wala nang pwesto sa lapag.
Kaya nga sa ganitong mga kondisyon ng maraming bilangguan, madalas ang kalbaryo ng mga preso ay ang pagkakahawahan sa sakit. Kasi nga ‘nagkakapalitan’ na sila ng mukha.
Ang pangunahing nakikitang dahilan sa mga siksikan bilangguan ay ang mabagal na mga pagdinig sa kanilang mga kaso.
Biruin ba naman ninyo na inaabot ng halos sampung taon pataas bago madesisyunan ang mga kaso na kinasasangkutan ng mga preso.
Kaya nga yung iba na sa huli ay napapatunayan na walang sala, aba’y gumugol na yan ng maraming taon sa piitan nasan ang hustisya rito?
Katwiran naman dito ng judiciary, sa rami ng mga kaso kulang na kulang naman sila sa mga huwes at prosecutors kaya naman natatagalan o naantala ang mga pagdinig sa mga kaso.
Lalo pa ngang titindi ang problema ngayon dahil naman sa matinding kampanya ng pamahalaan vs illegal drugs kung saan bukod sa marami ang napapaslang may nahuhuli at nagsisisuko rin naman.
Dagdag na naman ito sa maliliit at halos wala ng espasyo ng mga kulungan at dagdag na naman sa mga kasong lilitisin na pinaniniwalaang maantala din.
- Latest