Dahil sa kakulangan ng pera, sisiw na ang ipinasusuweldo sa mga teacher sa Uzbekistan
ISANG siyudad sa Uzbekistan ang nagpapasuweldo na ng sisiw sa mga guro nito dahil sa kakulangan ng supply ng pera.
Mga bagong pisang sisiw na ang ipinasusuweldo sa mga guro ng lokal na pamahalaan sa Nukus, Uzbekistan matapos maubusan ng pera ang mga banko roon.
Hiyang-hiya ang mga guro sa pagkakalugmok ng ekonomiya ng kanilang bansa na nagtulak sa kanilang gobyerno upang suwelduhan sila ng sisiw.
Hindi rin daw ito ang unang pagkakataon na sinuwelduhan sila sa pamamagitan ng ibang bagay bukod sa pera. Noong isang taon daw ay pulos mga gulay ang ipinambayad sa kanila para sa kanilang mga serbisyo.
Dismayado rin ang mga guro dahil mukhang dinadaya pa sila ng gobyerno sa presyuhan ng sisiw na ipinasusuweldo sa kanila. Higit kasi sa doble ng presyo sa pamilihan ang presyong inilalapat ng gobyerno sa bawat sisiw na kanilang ipinapasuweldo kaya luging-lugi ang mga guro sa kanilang natatanggap.
Matindi ang problema ng kakulangan ng pera na nararanasan ngayon sa Uzbekistan. Bukod sa mga suweldo ay hindi na rin naibibigay sa tamang oras ang mga pensiyon. Dalawang buwan na rin na hindi nasusuwelduhan ang mga empleyado ng gobyerno na nagtratrabaho sa Tashkent na siya mismong kabisera ng Uzbekistan.
- Latest