Isko kay Duterte: Kilos, salita ayusin
MANILA, Philippines - Pinayuhan ni senatorial candidate at Manila Vice Mayor Isko Moreno Domagoso si presidential candidate Rodrigo Duterte na ayusin ang kanyang mga pananalita at kilos lalo na sa harap ng publiko.
Ayon kay Domagoso, hindi na umano dapat pang ipagyabang ni Duterte ang mali upang malutas ang isang problema o krimen.
“Hindi mo naman ipinagkakaila sa taongbayan o ikinukubli kung ano ang nakaraan mo—alam naman nila yun, naiintindihan ka nila—but hindi mo na kailangang ipagmayabang pa yung mga salitang sa tingin mo, hindi naman nababagay na mapanood at mapakinggan ng mga bata, especially if you’re addressing the country,” ani Domagoso.
Sinabi ni Domagoso na hindi rin maaaring sabihin na ang pagiging bastos ay nakukuha dahil sa pagiging squatter. Aniya, lumaki siya sa squatters area subalit lumaki siyang maayos at mabuti.
Ayon kay Domagoso, malaki ang kanyang respeto kay Duterte subalit hindi umano tama ang mga ipinakikita nito sa publiko sa pangambang makaimpluwensiya.
Kailangan aniyang pag-ingatan ni Duterte ang kanyang mga sasabihin lalo na’t kung may mga nakikinig sa kanyang mga bata.
Hindi rin pabor si Domagoso sa “extrajudicial way” upang lutasin ang isang krimen. Nakita umano niya ang extrajudicial way sa Maynila subalit hanggang ngayon ay mataas pa rin ang crime rate rito.
Dagdag pa ni Domagoso, mas makabubuting resolbahin at solusyunan ang judicial system bago ipatupad ang death penalty.
- Latest