Ayon kay Peña pati basura ginagamit sa maruming pamumulitika
MANILA, Philippines - Mariing nanawagan kahapon ang kampo ni Makati City Mayor Romulo “Kid” Peña Jr. sa ilang opisyal, na tigilan na ang pamumulitika at huwag idamay ang ilang operasyon ng pamahalaang lungsod tulad nang pangongolekta ng basura.
Ang reaksiyon ng kampo ni Peña ay bunsod sa ginagawang pagbatikos ng ilang city councilors tulad ni Mayeth Casal-Uy, na nagsabing maliliit na lamang na truck ng basura ang umiikot sa lungsod at hindi na umano nakokolekta ang mga basura dito.
Sinabi ng kampo ni Peña, na mas malalaking truck ng basura ang umiikot sa buong lungsod ng Makati at ito’y nasa ilalim ng kontrata ng ECS Contractor at 316 Metro Transport.
Kung saan sa district 1, animnapung trips ang ginagawang pag-iikot ng garbage trucks at 70 trips naman sa district 2.
Para sa nabubulok, umiikot ang mga trak ng basura tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, tuwing Martes, Huwebes at Sabado naman ang hindi nabubulok at kapag Linggo ay para sa mga malalaking basura na tinatawag na “special ways”.
Napag-alaman ng kampo ng alkalde, hindi inilalabas ng mga residente ng ilang barangay ang kanilang mga basura sa sche-dule nang pag-iikot ng mga truck at ilalabas lamang ito pag gabi na.
Kung kaya’t tuwing alas-9:00 ng gabi ay nagpapalabas ng karagdagang truck ang pamahalaang lungsod upang mangolekta ng basura sa gabi.
Nabatid na sa 33 barangays sa lungsod ng Makati, karamihan dito ay kaalyado ng nakaraang administrasyon, kung kaya’t may hinala ang kampo ni Peña, na “dirty tricks” na naman ito ng grupo ng mga politikong bumabatikos sa kanyang administrasyon.
Kaya’t panawagan ng alkalde sa kanyang mga kritiko na tigilan na ang pamumulitika at huwag idamay ang ilang operasyon ng pamahalaang lungsod.
- Latest