EDITORYAL – Tapyas sa income tax ang nararapat
IPINASA ng House of Representatives ang Salary Standardization Law (SSL) of 2015 kahapon. Sa pagkaapruba ng SSL, pagkakalooban ng increase ang may 1.3 milyong government workers na ang kabuuang grant ay umaabot sa P226 billion. Madaling naipasa ang SSL sa pamamagitan nina House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at Senate President Franklin Drilon.
Pero marami ring government workers ang hindi nasisiyahan sapagkat kaunti lang angnadagdag sa kanilang suweldo. Hindi pa raw sapat maibili ng isang kilong bigas. At sabi pa, kakainin lamang ng tax ang kapiranggot na nai-dagdag. Bale, nadagdagan sila pero mapupunta rin sa buwis. Wala ring silbi anila.
Sa halip na taas-sahod, sana tapyas sa income tax ang ginawa ng pamahalaan. Mas marami ang makikinabang sapagkat malaki-laki ang maiuuwing suweldo sa pamilya. Makakabili nang ilang kilong bigas kung tatapyasan ang income tax.
Hindi malaman kung bakit urung-sulong si Aquino kapag ang tungkol sa bawas income tax ang pag-uusapan. Parang allergic siya sa isyung ito.
Una nang isinantabi ng Presidente ang pagbabawas ng tax sa mamamayan. Hindi pa raw panahon para ibaba ang income tax na agad namang sinang-ayunan nina Finance Secretary Cesar Purisima at BIR Commissioner Kim Henares.
Ayon sa panukala, ang mga sumusuweldo ng P20,000 hanggang P70,000 isang buwan ay kakaltasan ng 10 percent at ang kumikita nang mahigit P1 milyon sa isang taon ay kakaltasan ng 25 percent.
Sa buong Southeast Asia tanging ang Pilipinas ay may mataas na income tax rate -- 32 percent. Sumunod ay ang Laos, 25 percent; Cambodia, 20 percent; Vietnam, 20 percent; Malaysia, 10 percent; Singapore at Brunei, 0 percent.
Kung maibababa ang income tax, malaking gaan ang maidudulot sa pasanin ng mga karaniwang manggagawa. Madadagdagan ang perang iuuwi at mapapakinabangan ng pamilya. Kung nagawa nina Belmonte at Drilon na agarang maipasa ang SSL, sana himukin nila si P-Noy na tapyasan din ang income tax.
- Latest