Bryant inihatid ang Lakers sa unang panalo
NEW YORK – Habang malugod niyang tinatanggap ang mga papuri at palakpakan ng kanyang mga fans, mas gusto ni Kobe Bryant na lisanin ang court bitbit ang panalo.
Kumamada si Bryant ng 18 points para tulungan ang Los Angeles Lakers sa 104-98 paggiba sa Brooklyn Nets para sa kanilang unang panalo matapos ang 0-4 panimula.
Sa kanyang ika-20 NBA season at nilabanan ang iba’t ibang injuries, hindi matiyak ni Bryant kung ito na ang katapusan ng kanyang career.
“I have so much appreciation for the game. If this is the last time, I'm fine with that,” sabi ni Bryant. “I feel at peace with that.”
Nadagdag sina rookie D'Angelo Russell at Fil-Am Jordan Clarkson ng tig-16 points para sa Lakers na naglaglag sa Nets sa 0-6.
Nagtayo ang Lakers ng 11-point lead bago ito napababa ng Nets sa tatlong puntos sa huling 30 segundo ng fourth quarter.
Nakapuwersa ang Lakers ng five-second violation sa inbounds pass ng Nets kasunod ang isinalpak na apat na sunod na free throws ni Bryant para sa kanilang 102-95 abante.
Kumolekta si Brook Lopez ng 23 points at 10 rebounds para sa Nets, habang nagdagdag si Joe Johnson ng 22 points.
Sa Oakland, California, nagpasabog si Curry ng 34 points at 10 assists para pamunuan ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 119-104 pagpapatumba sa Denver Nuggets at manatiling walang talo ngayong season.
Naglista si Curry ng 30 points sa lima sa una niyang anim na laro para maging unang Warriors player na makagawa nito matapos si Hall of Famer Rick Barry noong 1974-75.
Si Hall of Famer Chris Mullin ang pinakahuling player na nakapaglista ng 25 points sa una niyang anim na laro noong 1990-91.
Nag-ambag naman si Harrison Barnes ng 21 points para sa Golden State, habang kumolekta si Festus Ezeli ng career-high na 16 points, 7 rebounds at 2 blocked shots.
Sa hawak na 6-0 record, nasa kanilang pinakamagandang panimula ang Golden State sa kanilang prangkisa sa West Coast era simula noong 1962-63.
- Latest