‘Tinakam lang’
INAABANGAN MO ang pagpatak ng ulan na magpapatid ng uhaw sa iyong pananim. Unti-unting lumiwanag ang ulap at walang palatandaan na magtutubigan ang tigang na lupa.
“Mag-iisang taon na ang nakakaraan mula ng maaksidente ako. Ang benepisyo ko di pa mabigay-bigay,” ayon kay June.
Setyembre 2012 nang magsimulang magtrabaho si June Guinto sa Altaserv Inc.
Na-assign siya sa utility sa isang Montessori ngunit nasa ilalim pa din siya ng Altaserv. Maganda naman ang kanyang trabaho at may mga benepisyo pang ikinakaltas sa kanya.
Ikalabing tatlo ng Setyembre 2014 habang nagba-back up ng stage sina June sa Montessori nang biglang bumagsak ang stage.
“Nawalan ako ng balanse. Nabali ang buto ko sa kamay,” ayon kay June.
Agad siyang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan. Nakumpirmang bali na nga ang kanyang buto. Ayon sa doktor na sumuri sa kanya kailangan na itong malagyan ng bakal.
Ang Altaserv daw ang gumastos sa operasyon at sa lahat ng kanyang pangangailangan. Ginamit din ni June ang kanyang insurance para sa pagpapaospital.
“Ang pagkakarinig ko pinondohan nila ako. May Php50,000 silang nakalaan para sa ‘kin. Nung gumagaling na ako sinisingil nila ako sa mga nagastos,” salaysay ni June.
Pakiramdam daw niya hindi naman sa kanya ginamit ang lahat ng pondong inilaan sa kanyang pagpapagamot. Lumalabas ngayon na siya pa ang may kulang sa ahensiya.
Binigyan pa daw siya ng listahan ng mga nagastos at halagang Php20,000 daw ang kailangan niyang bayaran sa mga ito.
“Parang nawalan ng saysay ang insurance ko. Nag-file ako ng sickness benefit sa SSS,” wika ni June.
Dahil nasa ilalim pa siya ng ahensiya ito ang naglakad ng kanyang benepisyo sa SSS. Nung minsang tumawag siya pinapaasa lang umano siya ng mga tao doon.
“Sinasabi nilang tawag-tawagan ko lang sila. Ilang beses na akong tumatawag pero pareho lang naman ang isinasagot nila sa ‘kin,” sabi ni June.
Mula nang siya’y maaksidente yun na din daw ang huli niyang pagpasok sa ahensiya.
Hindi alam ni June kung paano niya malalaman kung kailan niya makukuha ang benepisyong dapat matanggap. Siya na mismo ang nagberipika nito sa SSS.
“Nasa ahensiya na daw ang tseke sabi nila. Dun ko na lang daw kunin,” wika ni June.
Tumawag siyang muli sa Altaserve at sinabing pwede nang maibigay sa kanya ang tseke ngunit bigla daw itong binawi at sinabing wala pa ang tseke mula sa SSS.
Ang iniisip ni June dahil sinisingil siya sa mga nagastos sa kanya baka ito na ang kunin bilang kabayaran.
“Kapag tumatawag ako sa kanila parang sila pa ang galit. Pinapatawag na naman ako. Isang taon na mula nang maaksidente ako pero ang benepisyo ko wala pa din sa ‘kin,” salaysay ni June.
Sa kanyang pagkakaalala dalawang buwan ang naka-file bilang sickness benefit niya sa SSS.
Minsan niyang nakausap si Rolly Feranco ang coordinator nila at sinabing tumawag siya kada biyernes. Kapag tumatawag naman siya napupunta siya sa accounting at laging wala ang sagot sa kanya.
Nais humingi ng tulong ni June kung ano ang magandang gawin para makuha niya ang benepisyo niyang nasa ahensiya.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nakipag-ugnayan kami sa SSS tungkol sa usaping ito. Nakausap namin si Ms. Cecile Mercado at ayon sa kanya nai-release na daw ang tseke sa ahensiya noong ika-8 ng Mayo 2015. Sa PNB Pasong Tamo daw ito at nagkakahalaga ng Php4, 452.
Kinuha din naman namin ang panig ng Altaserv tungkol sa benepisyong hinihingi sa kanila ni June.
Nakausap namin si Ms. Emily Lagitan sa Accounting ng Altaserv. Ayon sa kanya kailangan daw nilang mag follow-up ng ahensiya ngayong darating na Biyernes.
‘For Evaluation’ daw ito at ibinalik lang sa kanila ng SSS dahil may mga kulang pang dokumento. Naaprubahan na daw ang unang ifinile ni June at ang inaasikaso nila ay ang hinihingi nitong ‘extension’.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest