Magno pasok sa quarters sa women’s boxing meet
MANILA, Philippines – Isinantabi ni Irish Magno ang pagkakaroon ng sipon upang bigyan ng unang panalo ang bansa sa ASBC Asian Confederation Women’s Continental Championships sa Wulanchabu, China.
Ang 24-anyos na si Magno ay nakitaan ng bilis at gulang sa laban para kunin ang panalo laban sa AIBA Women’s Youth World Champion na si Lin Yu Ting sa Chinese-Taipei sa flyweight division.
Isa si Magno sa sinasabing magiging palaban sa ginto sa kanyang dibisyon matapos magwagi ng pilak sa SEA Games sa Singapore.
“Our new hope in the flyweight class Irish Magno was more confident in the bout than her opponent from Chinese Taipei,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.
Umabante na si Magno sa quarterfinals at isang panalo pa ang magtitiyak na sa kanya ng bronze medal.
Apat ang lady boxers na ipinadala ng ABAP na pinamumunuan ni Ricky Vargas at lahat ay may magandang tsansa na makakapag-uwi ng karangalan tulad ng ginawa sa SEAG.
Si dating world champion at SEAG gold medalist Josie Gabuco, SEAG silver medalist sa bantamweight na si Nesthy Petecio at SEAG bronze medalist sa featherweight na si Rica Pasuit ang kukumpleto sa delegasyon na kung saan sina Roel Velasco at Mitchel Martinez ang mga coaches.
Umabot sa 16 bansa na binubuo ng 96 boxers ang maglalaban-laban hanggang sa Agosto 15.
- Latest