Dapat bang magtapat?
Dear Dr. Love,
Una sa lahat ay bumabati ako sa inyo ng magandang araw at sumainyo ang pagpapala ng Diyos. Tawagin n’yo na lang akong Greta, 25-anyos, may asawa at dalawang anak.
May anim na taon na ang aming pagsasama ng mister ko at maligaya ang aming pamilya. Ang problema ko ay ito, ang panganay kong anak ay hindi sa kanya. Paniwalang-paniwala pa naman siya na kanya ang batang ‘yon at mahal na mahal niya ito.
Nang ligawan kasi niya ako noon, iniwanan ako ng kasintahan ko dati matapos niya akong mabuntis. Hindi na ako nag-atubili at sinagot ko siya agad. Nang yayain akong magtanan ay sumama ako kahit hindi ko siya masyadong love dahil gusto kong may kagisnang ama ang magiging anak ko.
Pero ngayo’y sinusumbatan ako ng aking konsensya. Dapat ba akong magtapat sa asawa ko na ang panganay ko ay hindi sa kanya. Masyado akong naguguluhan, Dr. Love.
Sana ay mapagpayuhan mo ako.
Greta
Dear Greta,
Lubhang complicated ang problema mo at maging ako’y hirap humagilap ng maipapayo.
Kung tutuusin, nakagawa ka ng malaking kasalanan sa asawa mo na dapat mong ihingi ng tawad. Paano ka hihingi ng tawad kung hindi ka magtatapat? Kung Salita ng Diyos ang sasangguniin, kinakailangang humingi tayo ng tawad sa taong nagawan natin ng pagkakasala.
Pero iisipin mo rin siyempre ang ibubunga ng iyong pagtatapat. Malamang ipagdaramdam ng mister mo ito at ang pagmamahal sa iyong panganay ay mapapalitan ng galit.
Kaya ang maipapayo ko lamang ay humingi ka ng guidance sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim ng pananalangin. Puwede kang magtago ng lihim pero kaya ba ng konsensya mo na habambuhay kang susumbatan?
Dr. Love
- Latest