Basura pa rin ang dahilan
NAGIGING karaniwan na talaga ang pagbaha sa Metro Manila. Kahit walang bagyo pero malakas ang buhos ng ulan, siguradong lubog kaagad ang ilang lugar sa lungsod na magdudulot ng nakatutuyong-dugong trapik. Sa hapon pa naman madalas bumuhos ang ulan, kung kailan pauwi na rin ang karamihan. Ang sinisisi ng MMDA ay ang mga baradong estero at kanal, kung saan hindi na epektibo sa paghupa ng mga binabahang lugar. Kaya ang naiisip nilang solusyon? Gagamitan ng mga bomba ang mga kilalang binabahang lugar para mapabilis ang paghupa ng baha. Pero hindi sinabi kung saan ilalabas ang mga tubig na masisipisip ng mga bomba. Hindi kaya sa ibang lugar lumipat lang ang baha?
Maraming proyekto ang DPWH ngayon na may kaugnayan sa flood control. Pinapalitan ng mas malalaking tubo ang daluyan ng tubig. Kapag napapadaan ako sa mga proyektong ito, kitang-kita ang mga lumang tubo na lampas sa kalahati ang lupa at basura na tumigas na sa loob. Sa madaling salita, hindi na siento porsyento ang pagiging epektibo ng tubo. Baka sa susunod na taon pa matatapos ang lahat ng proyekto ng DPWH. Kaya ilang buwan pa tayong magtitiis.
Ilan din sa pumping stations sa Metro Manila ang inaayos, kaya hindi nagagamit kung kailan pa naman tag-ulan. Kung kailan maayos lahat at sabay-sabay magagamit, baka Diyos lang ang may alam. Pero ang pangunahing sanhi pa rin ng pagbara ng mga estero at kanal ay basura. Sabihin na natin na marami sa mga kababayan natin ang hindi talaga marunong, o walang pakialam kung saan sila magtapon ng basura. Iniisip na may maglilinis naman kaya kung saan-saan na lamang nagtatapon. Kahit palitan pa ng mas malaking tubo, pero ganyan pa rin ang kaugalian ng marami, mabilis mapupuno rin ang mga malalaking tubong iyan. Dapat magkaroon ng kampanya ang MMDA at DPWH laban sa mga taong nagkakalat, maging malaki o maliit na bagay. Upos ng sigarilyo, balat ng kendi o tone-toneladang basura, dapat may multa o kulong kapag itinapon lang kung saan-saan, lalo na sa mga estero. Kung nagiging mahigpit sa jaywalking, dapat pati na rin sa pagtatapon ng basura. Bakal na kamay na siguro ang kailangang kung gusto nating mawala na ang salot na pagbaha sa Metro Manila.
- Latest