Resbak ng inaresto 3 opisyal sa brgy., sugatan sa pamamaril
MANILA, Philippines - Tatlong barangay officials ang sugatan nang resbakan ng isang lalaking nauna nilang inaresto dahil sa pagwawala sa San Andres Bukid, Manila, kahapon ng umaga.
Ginagamot ngayon sa Sta. Ana Hospital si Frederick Chavez, Brgy. Kagawad ng Brgy. 801 Zone 87 District 5 sanhi ng tinamong tama ng sumpak sa kanang sentido at likod habang sa Ospital naman ng Maynila ginagamot sanhi ng tama ng bala sa katawan sina Rodolfo Sacayle, Jr., 19, at Florencio Acas, 41, may-asawa ng 1639-C Diamante St., San Andres Bukid, Manila, kapwa brgy. tanod ng nasabi ring Barangay.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si alyas Jay Topak, nasa 25-30 anyos at residente ng Pasig Line St., Sta Ana, Manila na tumakas matapos ang insidente.
Sa report ni Supt. Albert Barot, Station Commander ng MPD-Station 6 (Sta. Ana), dakong alas-5:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa harapan ng barangay hall sa kanto ng Diamante at Granate Sts., San Andres, Bukid, Maynila.
Nauna rito, inaresto ng mga biktima ang suspek na lasing at nagsisigaw habang hinahanap ang kanyang nobya. Bukod sa pagwawala, kinakalampag din ang harapan ng gate ni Chavez.
Matapos maaresto ang suspek, dinala ito sa loob ng barangay hall at iniwang mag-isa upang pababain ang kanyang kalasingan.
Gayunman, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang napansin nilang nakatakas ang suspek. Alas-5:00 ng umaga nang bumalik ang suspek at walang sabi-sabing pinaputukan ang mga biktima habang dalawa sa kasama nito ang nagsilbing look-out.
- Latest