Ano ba talaga ang Charter Change o Cha-cha?
SA totoo lang, hindi naman masamang baguhin ang Konstitusyon kung talagang para sa ikabubuti ng bansa. Ang problema, bakit ngayon? At sino ba talaga ang makikinabang?
Ang Charter Change o Cha-cha ay ang planong baguhin ang 1987 Constitution ang pinakamataas na batas ng Pilipinas. Para itong rulebook ng buong bansa. Dito nakasulat kung paano mamahala ang gobyerno, ano ang karapatan ng mga Pilipino, at hanggang saan lang ang kapangyarihan ng mga pulitiko.
Sabi ng mga pabor sa Cha-cha, makakatulong daw ito para dumami ang negosyo, pumasok ang mas maraming dayuhang investor, at bumilis ang pag-unlad ng ekonomiya. Pero ang tanong ng marami, ekonomiya lang ba talaga ang gustong baguhin? Bakit may usapin din tungkol sa pagpapalawig ng termino ng mga opisyal? Bakit may lumalabas na posibilidad na maantala ang halalan? Hindi tuloy maiwasang magduda ang taumbayan kung ang Cha-cha ba ay para sa bayan o para manatili sa puwesto ang mga nasa kapangyarihan.
Tandaan natin, ang Konstitusyon ang nagsisilbing preno sa mga gustong abusuhin ang kapangyarihan. Kapag binago ito, hindi lang isang batas ang naaapektuhan pati ang kinabukasan ng bawat Pilipino. Kaya bago tayo pumalakpak o pumalag, alamin muna natin ang buong larawan. Huwag tayong magpaloko sa matatamis na pangako. Ang tanong na dapat nating itanong ay simple lang: Kung babaguhin ang Konstitusyon, buhay ba ng ordinaryong Pilipino ang aangat… o termino lang ng mga pulitiko ang hahaba?
Dahil sa huli, ang Konstitusyon ay hindi pag-aari ng mga politiko. Pag-aari ito ng sambayanang Pilipino. At kung may babaguhin man dito, dapat ang tunay na panalo ay ang mamamayan hindi ang mga nasa poder.
- Latest
















