Padala mo, kinabukasan mo!
Madaling tawaging bayani ang mga OFW. Pero sapat bang purihin sila kung ang perang pinaghirapan nila sa ibang bansa ay nauuwi lang sa utang, panloloko at maling desisyon?
Ito ang layuning tugunan ng Free OFW Financial Education Act sa ilalim ng House Bill No. 9806, na pumasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara. Layunin nitong turuan ang mga OFW at kanilang pamilya sa tamang paghawak ng pera, pag-iwas sa scam, pag-iipon at matalinong pamumuhunan.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, kailangang mapangalagaan ang bawat padala dahil katumbas nito ang pawis, pagod at sakripisyo ng mga Pilipinong malayo sa pamilya.
Tama. Pero sa realidad, hindi sapat ang malaking padala kung wala namang natitira sa katapusan ng buwan.
Maraming OFW ang ilang taong nagtiis sa ibang bansa, pero pag-uwi, walang naipundar. Ang iba, lubog sa utang; ang ilan, nabibiktima ng mga pekeng investment na nangangakong mabilis na pagyaman.
Kaya mahalaga ang libreng edukasyong pinansyal. Pero hindi sapat ang seminar habang patuloy na namamayagpag ang mga scammer at walang napapanagot. Dapat habulin ang mga manloloko, hindi lang turuan ang kanilang mga biktima.
Hindi rin dapat isisi sa OFW ang lahat ng kanilang paghihirap. May mga pamilyang kapos dahil sa mababang kita at patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Ang tunay na sukatan ng programa ay hindi dami ng seminar, kundi kung may naipon, naitayong kabuhayan at kinabukasang hindi na nakatali sa padala.
Dahil ang tunay na tagumpay ng OFW ay hindi habang-buhay na pagtatrabaho sa ibang bansa, kundi ang makauwi nang may seguridad at dangal.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay opinyon at komentaryo tungkol sa isang panukalang batas at sa mga kaugnay na isyung panlipunan.
- Latest















