FEU asam ang ikalawang panalo
MANILA, Philippines — Mananatiling kakapit ang Far Eastern University sa sistema ni head coach Sean Chambers sa pagharap nila sa University of Sto. Tomas sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sinuwag ng Tamaraws ang unang panalo matapos torohin ang Ateneo Blue Eagles via overtime, 66-65, noong Setyembre 29.
Ayon kay Chambers, bagama’t mga bata pa ay magagamay ng FEU team ang kanyang sistema.
“We told you it’s gonna take some time cause these guys are so young, they’re still getting used to playing at this stage, and learning my system,” wika ni Chambers.
Isa sa naging susi sa panalo ng Tamaraws sa Blue Eagles ay si Jorick Bautista na nagtala ng 14 sa kanyang 18 points sa fourth quarter kaya siya pa rin ang magiging sandata sa kanilang laban sa UST ngayong alas-4:30 ng hapon.
Makakatuwang ni Bautista sa opensa sina Mohamed Konateh at Veejay Pre para sa FEU na nalugmok muna ng limang beses bago nasikwat ang unang panalo.
Samantala, may kartang 3-3 ang UST at pakay naman nilang tuldukan ang two-game losing slump.
Maghaharap ang Blue Eagles at National University Bulldogs sa alas-6:30 ng gabi.
- Latest