^

Bansa

‘Nagka-tsansa na, bigo pa!’

Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Niresbakan ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang ­prosecution team matapos igiit na nabigo umano itong patunayan ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.

Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni VP Sara, na natapos na ang pagkakataon ng prosekusyon upang ihain at patunayan ang kanilang mga paratang.

“The prosecution had its chance. It failed. On Monday, the Vice President begins her defense,” ani Panelo.

Ayon sa kanya, hindi maaaring balewalain ang due process at patas na paglilitis sa impeachment court. Giit niya, hindi dapat hatulan ang isang akusado bago pa man nito maiharap ang panig at bago masuri nang maayos ang mga ebidensyang iniharap.

Pinuna rin ni Panelo si prosecution member Atty. Lorna Kapunan at iba pang miyembro ng prosekusyon, na umano’y tila isinasantabi ang mga pangunahing prinsipyo ng batas sa pagdinig ng Senado.

“One world seeks the truth. The other ­desperately tries to persuade an increasingly skeptical public with asinine sound bites built on half-truths and malicious speculation,” sinabi pa ni Panelo kasabay ng pagbatikos sa halos araw-araw na press briefings at interviews ng prosecution panel.

Ang pahayag ni ­Panelo ay tugon sa naunang pahayag ni Kapunan na si VP Sara mismo ang pinakamahalagang saksi kaugnay sa isyu ng umano’y “unexplained wealth” at sa sinasabing P817.87 milyong paglobo ng yaman nito at ng asawang si Atty. Mans Carpio.

Una nang sinabi ni Kapunan na matapang lamang umano sa salita ang Bise Presidente ngunit umiiwas na humarap at magpaliwanag sa impeachment court.

Dagdag pa ni Kapunan, kung haharap si VP Sara sa paglilitis, maaari umanong ma­ging pinakamabigat na ebidensya laban sa sarili nito batay sa paraan ng pagsagot at pagharap sa mga tanong.

“If the Vice President appears before the impeachment court, she will be the best evidence against herself due to her demeanor, the way she ­answers,” punto ni Kapunan.

Binanggit din niya na tumanggi umano ang Bise Presidente na manumpa at tumestigo sa mga naunang pagdinig sa Kamara kaya duda siya na manunumpa si VP Sara at magsasabi ng katotohanan at pawang katotohanan lamang sa Article II o unexplained wealth.

IMPEACHMENT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with