Pinoy seafarer utas sa Persian Gulf attack!

MANILA, Philippines — Kinumpirma nitong Sabado ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasawi ang isang Pilipinong seafarer habang sugatan naman ang isa pang Pinoy sa pag-atake sa sinasakyang Marshall Islands-flagged tanker sa Persian Gulf noong Nobyembre 5 ng madaling araw.
Sa ulat ng GMA News reporter na si JP Soriano, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na kabilang ang mga biktima sa crew ng MT Velos Sapphire, na tinamaan ng hindi pa tukoy na projectile at nagdulot ng sunog sa barko.
Sinabi ni Cacdac na may 22 Pinoy na seafarer ang sakay ng barko at 20 naman ang nasa ligtas na kalagayan.
Patungo sa Bahrain ang barko nang ito ay tamaan, ayon sa pahayag ng Greek management firm na Velos Tankers.
Ikinalungkot ng management ng barko nang madiskubreng patay ang isang tripulante matapos ang pagsabog bagamat wala namang binanggit na may isa pang sugatan, ayon pa sa ulat.
Sinabi ni Cacdac na nakikipag-ugnayan ang kanyang opisina sa manning agency ng barko para sa kaligtasan at kalaunang repatriation ng mga nakaligtas na Pilipino.
Sinabi ng DMW chief na nakipag-ugnayan na ang gobyerno sa pamilya ng nasawing Pilipino para sa ibibigay na tulong.
Ayon pa sa ulat, isang bagong advisory ang ilalabas ng DMW para manawagan sa mga ship owner na iwasan ng kanilang mga barko ang pagpadaan sa Persian Gulf.
- Latest















