Ombudsman pinitik BJMP: Bakit may alalay si Romualdez sa selda?

MANILA, Philippines — Pinuna ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil sa pagpapahintulot umano kay detained Leyte Rep. Martin Romualdez na magkaroon ng personal na alalay habang nakapiit sa Quezon City Male Dormitory sa Payatas.
Sa kanyang programang pangradyo nitong Sabado, sinabi ni Remulla na nagulat siya kung bakit pinayagan ang naturang setup sa loob ng kulungan.
“Nagugulat ako. Walang dahilan para payagan iyan. Ano iyan? May nakakulong na mayaman na may alalay na galing sa labas? Ano iyan, mafia?” ani Remulla.
Ayon sa Ombudsman, iimbestigahan ng kanyang tanggapan ang usapin, bagamat sinabi niyang mayroon na siyang ideya kung sinu-sino ang nasa likod nito. Gayunman, tumanggi siyang pangalanan ang mga ito.
Bilang tugon, sinabi ng BJMP na iginagalang nito ang pahayag ni Remulla at nagsasagawa na rin ng sariling imbestigasyon kaugnay ng kontrobersiyal na arrangement.
“The Bureau is conducting an investigation into the arrangement authorized by one of its jail wardens. Pursuant to the directive of the DILG Secretary, the BJMP will submit its comprehensive report to the Department within the prescribed period,” ayon sa pahayag ng BJMP.
Binigyang-diin ng ahensiya na hindi nito kukunsintihin ang anumang hindi awtorisadong pribilehiyo o espesyal na pagtrato sa mga persons deprived of liberty (PDLs) at papanagutin ang sinumang mapapatunayang lumabag sa umiiral na mga patakaran.
- Latest

















