Extradition vs Quiboloy isasampa ng DOJ

MANILA, Philippines — Isasampa na ng Department of Justice (DOJ) sa isang trial court ang petisyon kaugnay ng extradition request ng Estados Unidos para kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida nitong Huwebes, nasa final stage na ang paghahanda ng DOJ sa petisyon at isinasagawa na lamang ang legal scrubbing bago ito ihain sa korte. “We’re almost ready to file that petition,” ani Vida sa isang press briefing.
Noong Agosto, hiniling ng Estados Unidos ang extradition ni Quiboloy upang iharap sa mga kasong sex trafficking at racketeering. Sinabi ni Vida na tutuparin ng Pilipinas ang mga obligasyon nito sa ilalim ng extradition treaty sa US at susundin ang mga panuntunan ng Supreme Court sa extradition.
Sa Pilipinas, nahaharap si Quiboloy sa non-bailable na kasong qualified human trafficking sa Pasig, gayundin sa mga kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Nakapiit si Quiboloy sa Pasig City Jail mula nang maaresto noong Agosto 2024 habang nagpapatuloy ang mga kasong kinakaharap niya sa Pilipinas.
- Latest





















