‘Never-say-die’ spirit muling ipinakita ng GSM
MANILA, Philippines — Masaya at masarap ang naging Noche Buena ng Barangay Ginebra matapos ang ‘Christmas Clasico’.
Sa kanilang unang paghaharap ngayong season ay pinulutan ng Gin Kings ang Magnolia Hotshots sakay ng pamosong ‘never-say-die’ spirit upang reguluhan ang Barangay ng magandang regalo sa Kapaskuhan.
Hindi lang ang 12,198 fans sa Smart Araneta Coliseum ang umuwi nang may malalaking ngiti sa labi kundi pati ang milyun-milyong Pilipino sa buong Pilipinas at buong mundo matapos ang comeback win ng Gin Kings sa pambihirang Christmas Day game ng PBA.
Umahon ang Ginebra mula sa 22-point deficit para maitakas ang 95-92 panalo sa 2024 PBA Commissioner’s Cup tampok ang pamamayani nina Justin Brownlee, RJ Abarrientos at Scottie Thompson.
Nagsanib-puwersa sina Brownlee at Abarrientos sa pagbura ng Ginebra sa malaking tambak bago ibuslo ni Thompson ang game-winning trey sa buzzer kasabay ng pagdagundong ng buong Big Dome.
Iyon ang una subalit pinakamahalagang puntos ni Thompson sa fourth quarter para magtapos sa 14 points, 5 rebounds at 6 assists.
Kumamada naman ng 28 points, 7 rebounds, 5 assists, 1 steal at 1 block si Brownlee at tumikada ng 20 puntos, 5 assists, 3 steals at 1 block si Abarrientos.
May ambag ding 15 points, 8 rebounds, 2 assists at 2 blocks ang bagong Gin King na si Troy Rosario.
- Latest