P9 milyong ilegal na petrolyo, nasamsam
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga otoridad kasunod nang pagkakasamsam sa aabot sa P9 milyong halaga ng produktong petrolyo na illegal na ibenebenta ng mga tiwaling negosyante sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon sa Lipa City, Batangas.
Sa report ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)Batangas Provincial Field Unit, matapos matanggap ang impormasyon ay agad nagsagawa ng surveillance operation ang naturang unit at ikinasa ang raid sa lugar.
Nakumpiska sa raid sa isang gasoline station sa Brgy. San Sebastian ng lungsod ang 14,210 litro ng petroleum products na nagkakahalga ng P2 milyon.
Wala namang naiprisintang Certificate of Compliance at lisensya para mag-operate na inisyu ng Department of Energy (DOE) ang nasabing gasoline station kaya kinumpiska ang naturang mga petroleum products.
Sumunod namang sinalakay ng mga otoridad ang Brgy. Sabang kung saan nadiskubre ang apat na underground storage tanks na naglalaman naman ng 55,424 litro ng petroleum products na nagkakahalaga ng P 7 milyon.
Dalawa katao naman ang nasakote sa isinagawang raid sa naturang mga underground storage tanks.
Nahaharap ngayon ang mga suspect sa paglabag sa Batas Pambansa Bldg. 33 na inamyendahan na bilang Presidential Decreee No. 1865.
- Latest




















