Cai Cortez suspendido ang lisensiya, may show cause order din!

Kagaya ni Mikha Lim ng grupong BINI, suspendido rin ang driver’s license ng aktres at pulitikong si Cai Cortez.
Pinag-usapan ito sa social media noong nakaraang Sabado na kung saan ay inisyuhan ng Land Transportation Office (LTO) ng show cause order dahil sa diumano’y may nilabag si Cai habang nagmamaneho.
Ipinost niya sa kanyang Facebook na nagsasayaw ito habang nagda-drive, at hindi pa siya naka-seatbelt. Kaya kaagad na pinadalhan ito ng show cause order para ipaalam sa nilabag niyang batas.
Inimbitahan itong umapir sa LTO sa Nov. 23 ng alas onse ng umaga. Kailangan niyang magpaliwanag.
Base sa ipinost sa kanyang Facebook account, maaaring nilabag ni Cai ang Anti-Distracted Driving Act at sa Mandatory Use of Seatbelt Law.
Pero suspendido na ang kanyang driver’s license at naka-warning sa LTO ang kanyang kotse.
Pero nilinaw ni LTO ASec. Markus Lacanilao na hindi pa ito ang parusa niya. Ganyan din ang paliwanag noon ni ASec. Lacanilao sa kaso ni Mikha ng BINI.
Ganito rin ang kay Cai na dapat talagang mag-ingat at sumunod sa batas sa kalsada kapag nagmamaneho lalo na kung kilalang celebrity ka, dapat na iniisip nila ito dahil nakikita sila ng mga karaniwang tao.
Sabi pa ni Asec. Lacanilao, “Hindi dapat isinasakripisyo ang kaligtasan sa kalsada para lamang sa paggawa ng content. Tungkulin ng bawat driver na sumunod sa batas-trapiko at maging responsible sa pagmamaneho, anuman ang kanyang posisyon sa lipunan.”
Sabi pa ni Asec. Lacanilao nang naka-text ko siya kahapon, wala pa raw ang resolution sa kaso ni Mikha ng BINI. Kung ano raw ‘yung proseso na daraanan ni Mikha ay ganun din itong kay Cai Cortez.
Samantala, hinihingan sana ng reaksyon si Rez Cortez kaugnay rito.
Nung makapanayam siya ng ibang network, hindi pa raw niya alam kung ano talaga ang nangyari. Pero kung talagang may nilabag daw ang kanyang anak sa batas, kailangan niya itong harapin. “Hindi ko nga alam ‘yun. Kung meron man siyang na-violate, e dapat siya ang unang sumunod sa batas kasi ano siya, public official siya.
“Kung ‘yun ang sabi ng mga ahensya na nararapat dun, e ano na ‘yun, dapat na tanggapin na rin ni Cai ‘yun at tanggapin na rin namin,” pahayag pa ng aktor na ama ni Cai.
Chavit, pangarap iuwi sa ‘pinas ang miss u
Nakakatuwa ang friendship ng successful businessmen na ito na sina Joel Cruz at ng dating Ilocos Sur governor Chavit Singson.
Namataan namin si Manong Chavit sa launching ng bagong line of perfume ni Joel, ang La Craux na ginanap sa The Fifth at Rockwell noong nakaraang Martes.
Nandun din ang ilang social media influencers, at dumalo rin sina Cory Quirino at Jean Saburit.
Naglabas ng datung si Manong Chavit para bumili ng iba’t-ibang scents ng La Craux. “Ang suwerte kasi ng pabango niya. Kumukuha ako ng parang gayuma,” napapangiting pakli ni Manong Chavit.
Nagpasalamat naman si Joel sa suporta ng dating Ilocos Sur governor. “Sa sobrang yaman, sa sobrang bait, sa sobrang generosity, gusto kong maging ganun. Kaya lagi akong dumidikit, para matuto ako sa lahat na ginagawa niyang blessings e.”
Kinuwento na nga sa amin ni Manong Chavit na inaayos na raw ang part two ng pelikulang Red Crown na prinodyus niya ka-collab ang GMA Pictures. Pero ang isa sa pursigido ang businessman at politician ay ang pagbili ng rights ng Miss Universe. Pangarap daw niya talaga na Pilipinas ang magiging residence ng Miss Universe.
Wala raw siyang ideya kung sa New York pa rin ito. Pero kung sakaling mabibili raw niya ang rights ng naturang beauty pageant, gusto niya sa Pilipinas maninirahan ang reigning Miss Universe. “Gusto ko lang nandito ‘yung bahay ng Miss Universe,” pakli niya.
“‘Pag nabili ko ‘yun, dito ‘yung bahay ng Miss Universe. Mas mapapaganda natin ‘yung Miss Universe. Para sa ating mga kababayan. Maraming manenegosyo rito kung sa atin ngayon,” dagdag niyang pahayag,
Hindi lang daw siya puwedeng umeksena sa kasalukuyang ginaganap na Miss Universe, dahil iba pa ang may-ari nito.
Inaalam pa raw niya kung paano niya ito mabili na pag-aari pa sa ngayon ng JKN Global Group ni Anne Jakrajutatip at ng Mexican businessman na si Raul Rocha Cantu. Maraming beses na niyang binanggit ang tungkol dito. “Kinakausap ko na ‘yung nag-handle ng Miss Universe. Kung puwedeng bilhin. Pero madaming dadaanan, may mga kaso lang na nangyari. Basta gusto ko lang bilhin. Basta maayos... kasi ‘yung dalawang nakabili, parehong wanted,” saad ni Chavit Singson.
- Latest

























