Gilas pa-Malaysia na sa Nov. 19 para magsanay
MANILA, Philippines — Lilipad nang mas maaga pa-Malaysia ang Gilas Pilipinas upang doon na pandayin ang kanilang paghahanda para sa krusyal na Window 5 ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Nobyembre 27 hanggang 29 sa Seremban City.
Nakatakdang lumarga ang mga tropa ni coach Tim Cone sa Nobyembre 19 para magkaroon ng isang buong linggong preparasyon tampok ang bagong-bihis na koponan sa trangko ng bagong naturalized player na si Bennie Boatwright bilang kapalit ng resident import na si Justin Brownlee.
Mahuhuli nang bahagya si Boatwright na sa Nobyembre 23 pa inaasahang masamahan ang Gilas sa Malaysia dahil sa kanyang responsibilidad sa mother club na Fujian Sturgeons sa Chinese Basketball Association.
Ito rin ang sitwasyon ng Korean Basketball League (KBL) at Japan B. League kung saan naglalaro ang ibang Pinoy imports sa ilalim ng Asian Player Quota program na sina Dwight Ramos, Kai Sotto, AJ Edu, Mike Phillips, Kevin Quiambao, Quentin Millora-Brown at nagbabalik na si Rhenz Abando.
Mas mahaba naman ang pahinga sa PBA na hininto na ang liga nitong linggo palang sa pag-arangkada sana ng PBA Season 50 Governors’ Cup semifinals hanggang sa Disyembr 3 kaya pwede na agad ang mga pambatong sina Scottie Thompson, CJ Perez, Chris Newsome at Juan Gomez de Liaño.
Maghahanda ang Gilas para sa krusyal na laban nito kontra sa Syria sa Nobymbre 27 at Iran sa Nobyembre 29.
May 4-4 kartada ang Gilas sa Group E kaya kailangang manalo upang mapanatiling buhay ang pag-asa sa No. 3 seed kung saan tabla ang Jordan at Iran na may tig-5-3 baraha.
Lider ang Australia sa 8-0 habang 6-2 ang New Zealand.
Kung hindi umabot sa No. 3, may pag-asa pa ang Gilas sa best No. 4 team kasama ang Group F bilang magiging kinatawan ng Asya sa 2027 FIBA World Cup sa Qatar.
Kagagaling lang ng Gilas sa bigating panalo kontra sa Jordan, 82-81, at Iran, 68-56, sa homecourt nito sa Mall of Asia Arena sa Window 4.
- Latest





















