Aktor, tuloy na rin ang pagbibigay ng award
Natuloy rin ang health and wellness event ng AKTOR- League of Filipino Actors na matagal na nilang gustong gawin magmula nung binuo ang naturang organisasyon.
Ang founding chairman ng Aktor na si Dingdong Dantes ang namumuno sa naturang event, na ginanap sa Space One Ayala, Makati nung nakaraang Linggo. “Mula nung itinayo namin iyung AKTOR six years ago, pangarap na namin magkaroon ng ganito. Kaya noong kinausap namin iyung Bench, laking pasasalamat na pumayag sila na pumartner sa amin.
“Kaya ito, kita natin, napakalaking event. Excited ang lahat ng mga members na sumali at saka mag-participate,” saad ni Dingdong nang nakatsikahan namin bago nagsimula ang Hybrid Games.
Star-studded ito na dinaluhan ng mga artista at celebrities na talagang active sa health activities.
Kabilang na rito ang mga officers ng Aktor; ang current President na si Iza Calzado, at Public Affairs Director na si Piolo Pascual.

Kabilang pa sa officers ng AKTOR na namataan namin doon ay sina Agot Isidro, Cherry Pie Picache, Mylene Dizon, Joel Saracho, Ge Villamil, at Ricci Chan.
Present din sina Mr. Ben Chan, Ben Wintle, Miguel Pastor, Marian Rivera, David Licauco, Tom Rodriguez, Rio Locsin, Paolo Contis, Paolo Paraiso, Eric Fructuoso, Pancho Magno, Max Collins, Jerald Napoles, Pinky Amador, at Kirk Bondad. Ganundin sina Bianca King, Ketchup Eusebio, Madeleine Nicolas, at marami pang iba.
Sana raw ay magiging yearly na ito, at balak pa nga ni Mr. Ben Chan na dalhin din ito sa Visayas at Mindanao na sana ay daluhan din ng mga artistang active sa event na ito.
Sabi pa ni Dingdong, mga 80 percent ng mga members ng AKTOR ang sumali, at meron ding non-members na sana ay magiging member na rin daw, parang activation event na rin daw.
Bukod dito sa Hybrid Games ng Bench at AKTOR, may mga kasunod pang event na aabangan sa November 29. “May malaking announcement talaga si Coco (Martin) at saka si Ma’am Charo (Santos)!” bulalas ni Dingdong. At sa susunod na taon ay ang award-giving body ng AKTOR.
Nakatakda na raw ang awards night nila sa February 28, 2027. Mukhang isasabay rin nila sa Oscars. “Inaayos na iyun. Dapat talaga this year. Pero in-assess din naming lahat yung mga ibang award-giving bodies, plus ‘yung reality check lang din kung ahhh kakayanin pa, given na marami ring activities. So, we decided to push it to February of next year.
“Ang goal ay iyung AKTOR ang magiging kauna-unahang award-giving body that will open the year… So, kung ano yung coverage [ng eligibility], hindi ko muna sasabihin yun,” sabi pa ni Dingdong.
Tom, binitbit ang pamilya sa hybrid games
Isa sa na-enjoy naming nakatsikahan doon sa Hybrid Games ay si Tom Rodriguez. Dinala niya roon ang kanyang mag-ina—ang asawa niyang nagdadalangtao, at ang 2-year old son niyang si Korben.
Sa March 2027 raw ang due ng kanyang asawa, at baby boy daw uli ang magiging second baby niya.
Nakiusap lang si Tom na huwag silang kunan ng picture. Pinapahalagahan pa rin niya ang privacy ang kanyang mag-ina. “Wala namang itinatago. I live my life normally… Adjusted na sila rito sa Philippines. At least acclimated na sila sa weather, sa pagkain, sa mga tao.”
At mas gusto na raw nila sa Pilipinas. “Yeah, okay naman. Okay kami rito. Nag-e-enjoy sila sa Philippines. May community na kami. May mga friends si bagets,” sambit nito.
Ang asawa raw niya ay medyo nakakaintindi na nga raw ng Tagalog. “Nakakapag-Tagalog na, marunong na. Nakakaintindi na, iyung pagsalita.
“Marami siyang alam ng words pero medyo hirap pa nang dere-derecho. Pero nag-a-adjust,” sey pa ni Tom.
Adjusted na raw ang American wife niya sa iniikutan nitong community sa kanilang tinutuluyan.
Ngayon ay nakakalabas na raw ang mag-ina niya at excited silang panoorin ang paglalaro niya sa Hyrox doon sa Hybrid games. “Kaya sa close community namin, doon lang. Doon pa lang sa ngayon. Kaya ito, first ano nila, first showbiz na event. Pero sana, mapanood ako [ni Korben] kasi first time ko rin mag-try ng Hyrox. Kaya ako nagta-try magsipag sa gym at maging healthy para maipakita ko sa kanya.
“Ita-try ko i-challenge iyung sarili ko na gawing lifestyle iyung pag-alaga ng health. Nung sasali ako ng nito, gusto ko sanang mapanood niya. Kaso, later pa yata ako kaya feeling ko, tulog na siya.”
Binati namin ang guwapo ng anak niya na nagiging kamukha na niya. “Grabe, lamang sa akin ng dimple iyun. Dalawa sa kanya, e!” napangiti niyang pakli.
Tinanong din namin ang aktor kung nakadagdag confidence ba sa kanya ang pagkapanalo niyang Best Supporting Actor sa nakaraang MMFF. “E kasi, nakaka-flatter. Ito iyung sinabi ko kay Popoy [Caritativo] noon. Kasi nagulat ako sa panalo na iyun. Hindi ko talaga in-expect. Although nafa-flatter ako, parang hindi siya iyung iniisip ko. Parang bonus na ba siya? Pero para sa akin, nag-e-enjoy lang talaga ako sa work ko ngayon.
“Feel blessed na iyun pala, nung pag-alis ko, pagbalik ko rito, hindi ko alam na na-miss ko iyung trabaho nang sobra-sobra. At gusto ko siya. Gusto ko iyung trabaho. Kaya everyday, parang sabi ko, ‘Ang swerte ko na ito iyung trabaho ko.’
“Pinagkakakitaan ko, naaalagaan ko iyung pamilya ko dahil dito. And at the same time, trabaho siya na-e-enjoy ko talaga. So there’s always something new about it. Parang sa mga tao, nakakahalubilo mo, nakakausap mo, napapanood mo iyung pagtrabaho nila rin. Nai-inspire ka, natututo ka. So siguro sa akin, ninanamnam ko lang siya, nae-enjoy ko lang siya.
“So hindi ko iniisip kung ano iyung bigat o ano nangyari every time I go in. It’s always a fun challenge,” sabi pa ni Tom Rodriguez.
- Latest

























