Pasyente hulog sa 4th floor ng ospital, patay!

LIGAO CITY, Albay, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang 23-anyos na lalaking pasyente na may dengue matapos malaglag sa ika-4 na palapag ng Josefina Belmonte-Duran Albay Provincial Hospital sa Brgy. Tuburan, Ligao City, Albay kahapon ng umaga.
Mabilis na dinala sa emergency room ang duguan at walang malay na biktimang si alyas “Ruben”, residente ng Brgy. Layon ng naturang lunsod pero idineklarang patay na.
Sa ulat, dakong alas-8 ng umaga, nagulantang ang mga tao sa paligid nang biglang lumagapak sa semento ang biktima mula sa
ika-4 na palapag ng pagamutan. Mabilis itong nirespondehan ng mga medical personnel at itinakbo sa emergency room ang pasyente pero hindi na naisalba pa.
Hindi pa makumpirma sa imbestigasyon kung aksidente o sinadyang magpatihulog ng biktima na ilang araw na umanong naka-admit sa ikat-3 palapag ng provincial hospital dahil sa sakit na dengue. Natagpuan pa ang pares ng tsinelas nito at dextrose sa ika-apat na palapag.
Hindi rin nainom ng pasyente ang niresetang tranquilizer.
Patuloy sa imbestigasyon ang Ligao City Police pero tumanggi na umano ang mga kamag-anak na isailalim sa autopsy ang bangkay. Wala pang pahayag ang hospital sa insidente.
- Latest

















