Birthday boy, inutas ng inampon na drug addict

MANILA, Philippines — Sa mismong araw ng kanyang birthday ay pinatay ang isang 46-anyos na mister ng inampong drug addict nang pukpukin ng malaking tipak ng bato ang ulo naganap sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Kawit, Pagadian City, Zamboanga del Sur, kamakalawa.
Ang nasawi ay kinilala lamang sa pangalang Adam, may-asawa. Habang ang suspect ay tinukoy sa alyas na “Dagol,” tinatayang mahigit 30-anyos.
Sa report ng Pagadian City Police, naganap ang insidente, alas-9:40 ng gabi ay katatapos lamang magdiwang ng kaarawan ng biktima kasama ang ilan nitong kaibigan at ang suspect nang mangyari ang insidente.
Kasalukuyan na umanong natutulog ang biktima nang pasukin ng suspect ang silid nito at pukpukin ito ng bato sa ulo nang sunud-sunod.
Nagawa pang madala sa pagamutan ang biktima, pero binawian na ito ng buhay matapos ang ilang oras.
Nabatid na ang suspect ay kinupkop lamang ng biktima sa kaniyang tahanan matapos naman itong mapalayas sa tinutuluyan nitong boarding house.
Sa pahayag ng mga kaanak ng suspect naghihinala silang naapektuhan na ng droga ang kaisipan nito kaya nagawa ang krimen.
- Latest



















