NCRPO ‘full alert’ sa Bonifacio Day
8,000 pulis ikakalat sa Mero Manila
MANILA, Philippines — Ilalagay sa full alert status ang kapulisan sa National Capital region Police Office (NCRPO) para sa mga pagkilos at posibleng protesta sa Lunes, Bonifacio Day kaugnay ng paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa Netherlands.
Ayon sa NCRPO, halos 8,000 tauhan ng pulisya sa buong Metro Manila ang ikakalat para sa mga aktibidad sa paggunita sa ika-163 anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio sa Lunes, kabilang ang mga posibleng protesta at demonstrasyon kaugnay ng mga paglilitis kay dating Pangulong Duterte sa ICC.
Ayon kay NCRPO spokesperson Police Major hazel Asilo, isasailalim sa full alert status ang NCRPO simula 12:01 ng madaling araw ng Nobyembre 30 bilang paghahanda sa mga paggunita at posibleng demonstrasyon.
Aniya, kabilang sa deployment ang mga augmentation force mula sa PNP headquarters, Police Regional Office 3, at Police Regional Office 4A.
Tututukan ng mga pulis ang kanilang mga operasyon sa seguridad sa mga freedom park at iba pang lugar na inaasahang pagdarausan ng mga paggunita at demonstrasyon kabilang dito ang Liwasang Bonifacio sa Maynila, Bonifacio Monument Circle sa Caloocan, Pinaglabanan Shrine sa San Juan, at iba pang lugar na ipinangalan sa bayani ng rebolusyon.
Babantayan din ng NCRPO ang mga pangunahing kalsada at kalapit na lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at pamahalaan ang trapiko, lalo’t natapat ang mga aktibidad sa mahabang weekend.
Sinabi ni Asilo na susundin nila ang mga karaniwang operational procedure ng pulisya, igagalang ang karapatang pantao, at magpapatupad ng maximum tolerance sa mga demonstrasyon.
- Latest

















