Akusadong opisyal ng Samchan inalis sa ‘plunder’ ni Romualdez
MANILA, Philippines — Inalis na ng Sandiganbayan Third Division ang isang negosyante bilang kapwa akusado sa kasong plunder laban kay detained Leyte Congressman at dating House Speaker Martin Romualdez, na nagbibigay-daan upang tumestigo para naman sa prosekusyon.
Sa isang 11-pahinang resolusyon, inaprubahan ng anti-graft court ang bagong charge sheet na nag-aalis sa pangulo ng Samchan Foreign Exchange Corp. na si Felicito Guevarra mula sa kaso.
Dahil dito, ipiprisinta ng prosekusyon si Guevarra bilang testigo sa mga pagdinig para sa bail hearings ni Rimualdez, kapalit ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan.
Si Guevarra ay sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) at binigyan ng conditional immunity dahil ang kanyang testimonya at mga rekord ay kinakailangan upang mapatunayan ang katotohanan sa nabanggit na kaso.
Ayon sa Office of the Ombudsman, may mga kondisyon silang nailatag kay Guevarra tulad ng pakikipagtulungan nang buo at tapat, isusuko niya ang lahat ng mga rekord at devices ng Samchan, at mananatili siya sa Pilipinas at sa ilalim ng proteksyon ng Department of Justice (DOJ).
Samantala, binigyang-diin ng Sandiganbayan na nakikita nito ang merito sa argumento ng prosekusyon na ang kahandaan ni Guevarra na tumestigo laban sa kanyang mga kapwa akusado ay isang supervening event.
Dahil sa mga banta sa seguridad, pinagbigyan din ng Sandiganbayan ang hiling ng prosekusyon na panatilihin si Guevarra sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) habang pinoproseso ang kanyang aplikasyon para sa Witness Protection Program ng DOJ.
- Latest















