‘Clark Airport, daungan ba ng lumang POGO?’
Ipinagbawal na ni Pangulong Bongbong Marcos ang POGO industry sa bansa.
Pero kung pagbabatayan ang mga naging pahayag ni dating Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston John Casio, tila hindi pa tapos ang scam sa POGO.
Ayon kay Casio, ilang dayuhang nasakote sa Bataan ang kalauna’y pinalaya sa utos ng Bureau of Immigration, dumaan sa Clark International Airport at sumakay ng privately chartered aircraft patungong Cebu. Alegasyon kaya lamang ni Casio ang pahayag kamakailan sa Pampanga, gayong hindi na sya tagapagsalita ng PAOCC?
Dinadala ang publiko sa iba pang mahalagang usapin na hindi umano nagtutugma ang datos ng Bureau of Immigration, Department of Labor and Employment at Philippine Amusement and Gaming Corp. patungkol dito. Kung totoo ang ganitong mga puwang sa records, maaari itong magpahirap sa pagsubaybay sa pagpasok, pagtatrabaho at paglabas ng mga dayuhan.
May alegasyon din na ilang dayuhang na-deport ang nakabalik dahil hindi umano nailagay sa immigration blacklist. Kailangan itong kumpirmahin ng mga kinauukulang ahensiya. Kung mapatutunayan, kailangang alamin kung saan nagkaroon ng pagkukulang at sino ang dapat managot.
Bagama’t ipinagbawal ng pamahalaan ang POGO industry simula noong 2024, sinabi ni Casio na maaaring may ilang dating network na nagpatuloy sa ibang anyo, kabilang ang online scams at iba pang ilegal na aktibidad.
Ang puno’t-dulo ng usapin ay hindi lamang Clark Airport, kundi tibay ng sistema.
Kung may butas sa database, ayusin. Kung may maling rekord, itama. Kung may deportadong nakabalik, alamin kung paano. At higit sa lahat, kung may lumabag sa batas, iharap sa wastong proseso at patunayan ang kaso.
Totoong hindi sapat ang hinala. Hindi rin sapat ang alegasyon, maski pa nanggaling sa dating tagapagsalita ng PAOCC.
Kanya’t mahalaga ang masusing pagsusuri upang matunton ang katotohanan sa isiniwalat ni Casio.
Sa usaping seguridad sa paliparan at paglaban sa krimen, ebidensiya ang dapat patunay.
Ang Clark Airport ay dapat maging daanan ng mga lehitimong biyahero—hindi butas na maaaring pagsamantalahan ng sinumang lumalabag sa batas, dayuhan man o kapwa nating Pilipino.
* * *
Para sa komento: [email protected]
- Latest















