Tropang 5G dumikit sa semifinals ticket

MANILA, Philippines — Lumapit ang nagdedepensang TNT Tropang 5G sa pag-entra sa semifinal round matapos talunin ang Magnolia, 91-73, sa Game Two ng kanilang crossover quarterfinal series ng Season 50 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kumonekta ang Tropang 5G sa 2-0 lead sa kanilang best-of-five showdown ng Hotshots na tinalo rin nila sa Game One, 92-70, noong Linggo sa parehong venue.
Humakot si import Rondae Hollis-Jefferson ng 39 points, 15 rebounds, tatlong blocks at dalawang steals para ilapit ang TNT sa pagwalis sa Magnolia sa serye papasok sa best-of-five semifinals series.
“Magnolia showed us their resilience. That’s a very good reminder for us that going itno Game Three that this series is far from over and we cannot take the other team lightly,” ani coach Chot Reyes.
Maari nang tapusin ng PLDT franchise ang duwelo nila sa grupo ni mentor LA Tenorio sa Sabado sa Ninoy Aquino Stadium.
Ipinakitang muli ng Tropang 5G ang kanilang championship experience sa pagbibida ni Hollis-Jefferson na nagbaon sa Magnolia sa 49-32 sa 4:12 minuto ng second period.
Nakalapit ang Hotshots sa pagsisimula ng third quarter, 49-51.
Isang 10-2 atake ang ginawa ng Tropang 5G sa likod nina RHJ, Roger Pogoy at Brandon Ganuelas-Rosser para makalayo sa 61-51 sa 6:07 minuto nito patungo sa kanilang 84-60 bentahe sa final canto.
- Latest





















