Kawani ng NIA pinatay, ibinaon gamit ang backhoe!

Niyaya sa inuman ng 5 suspek
DIADI, Nueva Vizcaya, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang kawani ng National Irrigation Administration (NIA) matapos na pagtulungang gulpihin at inuntog ang ulo saka ibinaon ang bangkay nito sa lupa gamit ng backhoe sa Sitio Lampong, Barangay Escoting sa bayan na ito, ayon sa ulat ng pulisya.
Sa inisyal na report ng pulisya, huling nakitang buhay noong Oktubre 9, 2026 ang biktima na nakilalang si Walter Bango, 46, nakatalaga sa NIA plantation sa bayan ng Diadi.
Ayon kay Capt. Daryl Marquez, hepe ng Diadi Police Station, niyaya umano ng limang kalalakihan ang biktima na makipag-inuman sa isang construction site kung saan nagkaroon sila ng pagtatalo kalaunan at pinagtulungan ang biktima hanggang sa mapatay.
Kasunod nito ay agad din umanong inilibing ang biktima sa lugar gamit ang isang backhoe.
“Sumuko ang isa sa mga suspek sa Police Station 4 sa Santiago City kasi hindi na raw siya nakakatulog at nakakain, inuusig ng kanyang konsensiya. Siya raw ang unang sumuntok sa biktima pero tumulong na ‘yung iba sa pagsuntok at may isang suspek na talagang nag-untog sa ulo niya sa semento,” pahayag ni Capt. Marquez.
Sinasabi na ang nag-untog sa ulo ng biktima ay siya ring operator ng backhoe na ginamit para maibaon sa lupa ang bangkay nito.
Kamakalawa ay natunton at nahukay ang bangkay ng kawani matapos ituro ng sumukong suspek.
Nasa kostudiya na ng pulisya ang limang suspek matapos magkakasunod na sumuko ang tatlo sa kanila habang inaresto ng mga operatiba ng pulisya ang dalawa pa sa follow-up operation.
- Latest



















