Cale88 nakabenta ng P150 milyon kahit 2 lang staff

MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni Senator-Judge Joel Villanueva kung paano nakapagtala nang mahigit P150 milyong benta ang Caleb88 Foods Corporation kahit dalawa lamang ang empleyado nito, batay sa 2024 Audited Financial Statements (AFS) ng kumpanya.
Sa ika-37 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, lumitaw sa AFS ng Caleb88, na iniuugnay sa asawa ng Bise Presidente na si Atty. Manases “Mans” Carpio, na umabot sa P150.76 milyon ang benta nito noong 2024 ngunit nagtala rin ng P6.13 milyong pagkalugi.
Ayon kay Villanueva, nakaaalarma at mahirap ipaliwanag kung paano napatakbo ng dalawang empleyado lamang ang ganito kalaking operasyon.
“This is alarming, Your Honor. You’re looking at a company with P150 million sales, P6.13 million ang losses, dalawa ‘yung empleyado?” tanong ni Villanueva.
Sinabi naman ni BIR Chief of Staff Anne Loraine Garcia-Marquez na tila imposible ang ganitong setup maliban kung halos awtomatiko o machine-driven ang operasyon ng kumpanya.
Sinilip din ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan na ang idineklarang salaries and wages ng Caleb88 na P1.227 milyon lamang noong 2024, o katumbas ng humigit-kumulang P97,000 kada buwan batay sa 13-buwang pasahod.
- Latest






















