Lipat majority: Gamot sa ‘medical condition’ ni Loren?
Tama ba ang ating narinig?
Ayon kay Atty. Tony La Viña, mouthpiece ni Sen. Loren Legarda, baka magsakabilang-bakod at sumali sa Senate majority ang mambabatas.
Naks! Lilipat si Loren sa majority kung saan kabilang sina dating Senate President Tito Sotto at Sen. Ping Lacson, mga matagal niyang kasama na iniwan niya para sa Duterte bloc ni “Ambassador of Jesus Christ” Sen. Alan Peter Cayetano?
Pang-ilang lipat na ba ito ni Loren? Hindi ba siya nahihilo sa tila paru-paro niyang pagdapo sa iba’t ibang kampo? O baka ito na ang hinahanap niyang lunas sa kanyang “medical condition”? Ang therapy pala ay political, hindi medical?
Hindi natin minamaliit ang health condition ng sinuman. Kung may karamdaman, dapat magpagamot at magpagaling.
Pero hindi rin tayo tanga at pinanganak kahapon. Mahirap ipikit ang mga mata sa timing.
Nag-abroad si Loren at anak na si Rep. Leandro Leviste sa gitna ng imbestigasyon ng Ombudsman sa mga alegasyon ng plunder at graft sa kanilang multi-billion-peso solar projects.
Hanggang ngayon, walang medical certificate ang kampo ni Loren, pero tuluy-tuloy ang extension ng kanyang medical leave. Maging ang Ombudsman ay nababahala.
At sa rami ng bansa, bakit France, isang bansang walang extradition treaty sa Pilipinas? Kaya ba doon diumano nagtatago si Zaldy Co? How convenient.
Ayon sa kampo ni Loren, biktima raw sila ng political persecution. Talaga ba? Ibig sabihin, politically persecuted din sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Bato Dela Rosa, dating House Speaker Martin Romualdez, at Apollo Quiboloy?
Hindi. Si Loren lang. Following their logic. Wow, special!
At ngayon, may panibagong palipad na mensahe: posibleng lumipat siya sa majority.
Ayon kay La Viña, natural lang iyon. Kadiri! Natural lang ‘yan sa mga balimbing, oportunista at trapo; at mga politikong nagtatago sa pananagutan.
Kung nasa abroad si Loren dahil sa “medical condition,” natural na ang kanyang paggaling ang kondisyon ng pag-uwi.
Pero kung ang spokesperson niya mismo ang nagsabing baka lumipat siya ng kampo, tila may isa pang kondisyon sa kanyang pagbalik: itigil ang imbestigasyon sa kanilang mag-ina.
Kaya kapag umuwi na sila, hindi mawawala ang pagdududa. Gumaling ba si Loren sa kanyang “karamdaman,” o natakasan ang pananagutan?
Ang tanong, hahayaan ba ito ng taumbayan?
- Latest
















