NCAP hindi bangungot sa mga motorista
Simula bukas, balik-kalsada na ang implementasyon ng No Contact Apprehension Policy o NCAP ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Manila, Muntinlupa, Parañaque, Quezon City at San Juan na nangangahulugan na balik na rin ang mga traffic camera na tututok sa mga motorista na lalabag sa mga batas-trapiko. Kaya marami na namang motorista ang siyento por siyentong kinakabahan habang bumibiyahe.
Pero tama nga ba ang pagpapatupad nito? Bangungot nga ba ito sa mga motorista? Sa pagpapatupad ng NCAP, hindi na kailangang harangin o sitahin agad ng traffic enforcer ang isang motorista para maitala ang paglabag. Sa ilalim ng NCAP, maaaring makuha ng mga camera ang aktuwal na paglabag at saka iproseso ng mga awtoridad ang kaukulang traffic violation notice.
Para sa mga motorista, maaari nilang matanggap at ma-check online ang kanilang violation notice. May online option din para sa mga nais kumwestiyon o maghain ng protesta sa kanilang apprehension.
Bahagi ito ng pagpapatupad ng Metro Manila Traffic Code of 2023 na naglalayong magkaroon ng mas pare-parehong sistema sa pagpapatupad ng mga batas-trapiko sa mga kalahok na lokal na pamahalaan.
Kasama rin sa sistema ang pare-parehong mga multa para sa mga paglabag na saklaw ng NCAP, kaya mas magiging malinaw sa mga motorista ang kaukulang parusa sa kanilang traffic violations. Hindi rin kailangang pumila agad sa mga tanggapan para lamang magbayad. Maaari ring gamitin ang online payment channels ng mga lokal na pamahalaan para sa settlement ng mga multa.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maynila, layunin ng muling pagpapatupad ng NCAP na makatulong sa pagpapanatili ng kaligtasan at disiplina sa kalsada. Sa madaling salita, mas magiging mahalaga na ngayon ang bawat kilos ng motorista sa kalsada—dahil kahit walang traffic enforcer na nakatayo sa gilid, maaaring may camera namang nakatutok.
Pero matapos ang anunsiyo,sinabi ng Valenzuela LGU na hindi muna nila ipatutupad ang NCAP dahil sa sunud-sunod na road construction pagbabago ng daloy ng trapiko. Uunahin ng LGU ang maayos at ligtas na daloy ng trapiko.
Sa mga motorista, hindi dapat na negatibo ang pananaw sa NCAP. Mas epektibo ito upang maiwasan ang anumang korapsiyon at pangongotong. Alam nating pasok sa gobyerno ang bawat sentimong makokolekta sa paglabag. Kaya simpleng paalala sa mga motorista, “SUMUNOD SA BATAS”.
- Latest


















