EDITORYAL — Pilipinas, pinakadelikadong bansa para sa environmental defender
SA magkakasunod na labintatlong taon, muling naitala ang Pilipinas bilang pinakadelikadong bansa sa Asya para sa mga environmental defender, ayon sa pinakahuling ulat ng Global Witness.
Noong 2025, 12 land at environmental defenders ang naitalang napatay sa bansa, pinakamataas sa Asya at kapantay ng Honduras sa 3rd ranking sa buong mundo.
Hindi na ito bagong balita. Mula 2012 hanggang 2025, umabot na sa 318 ang naitalang mga nawawala at pinatay na mga environmental defenders sa Pilipinas. Sa 12 na napatay nitong 2025, anim ang Indigenous people o mga katutubo, tatlo ang magsasaka, isa ang journalist at dalawa ang mula sa iba pang sektor.
Kabilang sa mga ito ang broadcaster, veterinarian at environmental activist sa Puerto Princesa City, Palawan na si Dr. Gerry “Doc Gerry” Ortega. Kilala rin siya sa tawag na “Ka Gerry”. Ang adbokasiya niya ay maprotektahan ang Palawan unique ecosystem—kabilang ang mga kagubatan, beaches, at coral reefs. Ginamit niya ang kanyang radio program para maisiwalat ang mga taong sumisira sa kalikasan.
Pinatay siya noong Enero 24, 2011 habang bumibili ng damit sa isang isang second hand clothing store. Katatapos lamang niya sa kanyang radio program. Binaril siya sa ulo. Nahuli ang gunman at tinuro si dating Palawan governor Joel Reyes na “utak” sa pagpatay.
Mahalagang pansinin kung sino ang madalas na nasa harap ng ganitong laban. Sila ang mga taong direktang umaasa sa lupa, kagubatan, ilog at iba pang likas na yaman para sa kanilang tirahan at kabuhayan.
Kaya kapag may environmental defender na pinagbabantaan, hina-harass o pinapatay, hindi lamang isang aktibista ang nawawala. Nawawalan din ng boses ang komunidad na kanyang ipinaglalaban.
Hindi sapat na taun-taon tayong magulat sa paulit-ulit na ulat. Kailangang malinaw kung ano ang ginagawa upang maprotektahan ang mga taong kumokontra sa mapaminsalang proyekto, ipinaglalaban ang kanilang lupa, o humihingi ng pananagutan sa mga desisyong nakaaapekto sa kanilang kapaligiran.
Kasabay nito, kailangang seryosong imbestigahan ang bawat pagpatay at pananakot at panagutin ang sinumang mapatutunayang responsable. Ito rin ang simpleng prinsipyong matagal nang binibigyang-diin sa usaping ito: hindi sapat ang environmental protection kung hindi ligtas ang mismong mga taong nagtatanggol dito.
Hindi dapat maging normal na ang pagtatanggol sa lupa, tubig at kagubatan ay may kasamang panganib sa buhay. Ang kalikasan ay hindi tunay na napuprotektahan kung ang mga nagtatanggol dito ay namamatay.
- Latest















