EDITORYAL - Tugisin at panagutin ang iba pang sangkot sa anomalya
Inilipat na sa New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City si dating House Speaker Martin Romualdez noong Lunes mula sa Philippine General Hospital (PGH). Ito ay makaraang makita ng PGH doctors na clinically stable at hindi na kailangan ng hospitalization ang dating speaker. Ang kautusan sa paglilipat kay Romualdez ay nanggaling sa Sandiganbayan.
Inaresto si Romualdez noong Setyembre 7, makaraang mag-isyu ang Sandiganbayan ng warrant para sa P7.44-billion plunder case na isinampa ng Ombudsman. Una siyang na-confined sa Cardinal Santos Medical Center bago nilipat sa PGH.
Ang plunder case ay may kaugnayan sa umano’y kickbacks mula sa flood-control at iba pang government projects. Kasama ni Romualdez na kinasuhan si dating Ako Bicol party-list Zaldy Co na ngayon ay nagtatago at nag-aaplay ng asylum sa France. Tumakas si Co noong nakaraang taon bago pa binulgar ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA ang anomalya sa flood control projects.
Mariing itinatanggi ni Romualdez ang mga paratang at sinabing haharapin niya ang kaso sa korte. Wala umano siyang kasalanan at malinis ang kanyang konsensiya.
Mahalaga ang pagkakakulong ng isang makapangyarihang opisyal habang dinidinig ang kaso. Pero hindi ito dapat ituring na katapusan nang mas malawak na imbestigasyon.
Ayon sa Ombudsman, ang P7.44 bilyong sakop ng kasong naisampa ay umano’y nagmula sa mga contractor at iba pang may interes sa mga proyektong pinondohan sa national budgets mula 2022 hanggang 2025.
Hindi simpleng proseso ang paggalaw ng pera ng bayan. Sa paglalarawan ng Ombudsman resolution, dumaraan ang mga proyekto mula DPWH proposal, DBM at National Expenditure Program, hanggang deliberasyon sa Kongreso at aktuwal na pagpapatupad at paglabas ng pondo.
Hindi ibig sabihin nito na awtomatikong sangkot ang bawat opisyal o ahensiyang dinaanan ng budget. Pero kung may alegasyon ng sistematikong kickback scheme, dapat siyasatin kung sino ang nagpanukala, nag-apruba, nagpatupad, naglabas ng pondo at tunay na nakinabang.
Lalong mahalaga ito dahil ayon sa parehong Ombudsman resolution, tinatayang P55 bilyon hanggang P56 bilyon umano ang kabuuang perang naihatid mula 2022 hanggang 2025, samantalang P7.44 bilyon pa lamang ang sakop ng kasong plunder na naisampa.
Ang tunay na sukatan ng imbestigasyon ay hindi kung gaano kalaking pangalan o “big fish” ang nakulong. Ito ay kung natunton na ba ang lahat ng sangkot at mga dapat panagutin sa anomalya. Dito makikita ang tunay na hustisya.
- Latest




















