Ang depensa ng kaibigan ni Loren
Nitong Biyernes, sa Storycon sa TV5, nakapanayam namin nina Philippine Star Editor-in-Chief Amy Pamintuan at veteran journalist Regina Lay si Atty. Tony La Viña tungkol sa kanyang desisyong maging spokesperson ni Sen. Loren Legarda at ng anak nitong si Batangas Rep. Leandro Leviste ukol sa mga akusasyon ng katiwalian mula sa mutli-billion-peso solar projects.
Hindi iilang kilay ang tumaas sa depensa ni Tony, lalo na sa mga pamilyar sa kanyang anti-corruption campaign.
May karapatan si Tony na ipagtanggol ang sinumang gusto niya. Ayun nga lang, medyo gumewang ang ilang puntos niya.
Una, binanggit niya na matagal na silang magkaibigan ni Loren at pamilyar sa ang rekord nito sa environmental legislation. Okay. Pero ano naman ang kinalaman nito sa mga ibinabatong akusasyon sa mag-ina? Non sequitur.
Ang pagiging kampeon ng kalikasan ay hindi alibi laban sa alegasyon ng katiwalian. Si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nga ay isang pro-life advocate na nagtanggal ng death penalty. Ibig bang sabihin, wala nang basis ang mga alegasyon ng election cheating, katiwalian at extrajudicial killings noong kanyang termino?
Interesante rin ang pahayag ni dating Manila mayor at dating kongresista Lito Atienza. Ayon kay Atienza, personal umano siyang nilapitan ni Loren upang suportahan ang solar franchise application ni Leandro. Inalok umano siya ng P10 milyon para sa kanyang mga proyekto kapalit ng suporta.
Seryoso ang akusasyon. Hindi ito maaaring basta iwaksi sa pagsasabing “walang paper trail.”
Ang tanong ay hindi lamang kung nakalista si Loren bilang shareholder o opisyal ng mga sangkot na kumpanya. Ang tanong ay kung ginamit ba niya ang kanyang impluwensiya upang paboran ang negosyo ng kanyang anak.
Sabi ni Tony, biktima sina Loren at Leandro ng “political persecution.” Eh iyan din ang linya nina Vice President Sara Duterte at Senator Alan Peter Cayetano!
Nakakahiya naman sa mga tunay na biktima ng political persecution, gaya ni ML Rep. Leila de Lima, na halos pitong taong ipinakulong ng rehimeng Duterte.
Sa totoo lang, mas katanggap-tanggap pa ang depensa ni Tony kung sinabi na lang niyang kaya siya humahanay kay Loren ay dahil kaibigan niya ito.
Pero ang paghahabi ng mga nagbabanggaang argumento bilang depensa sa harap ng publiko? Aba. Ibang usapan iyan.
Ang magandang rekord sa adbokasiya ay hindi immunity card laban sa pananagutan. At ang pagkakaibigan, gaano man katotoo, ay hindi ebidensiya ng kawalang-sala.
- Latest
















