Burton ipaparada ng NLEX vs Blackwater sa PBA on Tour

MANILA, Philippines — Ipaparada ng NLEX ang bagong import na si Deone Burton kontra sa Blackwater para sa pagsisimula ng PBA on Tour Miyerkules sa San Jose del Monte Sprots Complex sa Bulacan.
Sisiklab ang aksyon sa alas-4 ng hapon bilang unang patikim ng PBA sa pansamantalang aksyon nito habang sumusuporta ito sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa Achi-Nagoya Asian Games.
Makikilatis ni coach Jimmy Alapag sa unang pagkakataon si Burton na kapalit ni DeQuan Jones matapos ang season-ending leg injury nito bago ang pahinga ng PBA noong nakaraang buwan.
Bagama’t may bagong import ang Road Warriors, hindi nila makakasama ang pambatong point guard na si Robert Bolick na kasama rin si Sedrick Barefield ng Blackwater.
Bahagi sina Bolick at Barefiled ng 11-man all-PBA Gilas team na kalalapag lang din sa Japan para sa pinal na paghahanda nila bago simulang depensahan ang trono kontra sa Bahrain, Kazakhstan at China sa Group C sa paglarga ng Asiad men’s basketball sa Nagoya sa Biyernes.
Sa Oktubre 7 magbabalik-aksyon ang PBA matapos ang pag-iikot sa Bulacan, Batangas, Isabela at Ilocos Sur.
Matapos sa Bulacan, sunod na bibisita ang San Miguel at Phoenix sa Capital Arena sa Ilagan City, Isabela sa Sabado, Meralco at Converge sa Santiago City Sports Arena sa parehong probinsya sa Linggo bago tumungo ang Magnolia at NLEX uli sa Batangas City Coliseum sa susunod na Linggo.
Magtatapos ang PBA on Tour sa Candon City Arena sa Ilocos Sur sa Setyembre 26 tampok ang Talk ‘N Text at Rain or Shine.
- Latest

















