La Salle pinigil agad ng UST

MANILA, Philippines — Pinigil agad ng University of Sto. Tomas ang ratsada ng defending champion De La Salle University matapos sakmalin ang 80-75 panalo sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City kagabi.
Naging susi sa panalo ng Growling Tigers ang mga kalmadong kamay ni Amiel Acido sa bandang dulo ng labanan upang tulungan makabangon ang koponan mula sa pagkakaluhod nila sa unang laro.
Nirehistro ni 6-foot-3 Acido ang 19 points kasama ang 7-of-7 sa free throw upang ilista ang 1-1 karta para sa UST at ipalasap sa La Salle ang unang talo sa dalawang laro.
Nakabawi ang Growling Tigers mula sa opening-night loss kontra University of the Philippines Fighting Maroons, 85-92.
Sa unang laro bumida agad ang rookie na si Kiefer Alas matapos nitong akbayan sa panalo ang Ateneo de Manila University kontra University of the East, 101 - 74.
Nagtala ang point guard na anak ni Ateneo coach Louie Alas ng 24 points, 19 ay kinana sa first half kaya naman hinawakan agad nila ang 17-point lead sa unang dalawang quarters.
May pinaghuhugutan ng lakas ang Blue Eagles kaya ganado silang maglaro, inaalay nila ang kampanya ng koponan ngayong season sa dalawang teammates na sina Divine Adili at Rene Baterbonia na nalunod sa dagat sa ginawang team-building noong Hunyo 8 sa Dipaculao, Aurora.
- Latest





















