Pinoy na nagsabing mahirap dumami
MANILA, Philippines — Tumaas ang bilang ng mga Pilipino na itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap at mga pamilyang nakararanas ng gutom.
Ayon sa second quarter survey ng Tugon ng Masa ng OCTA Research, umakyat sa 39% noong Hulyo 2026 mula 35% noong Marso (+4%) ang self-rated poverty. Katumbas ito ng 10.3 milyong pamilya na nagsabing sila’y mahirap, mas mataas kumpara sa 9.2 milyong pamilya noong Marso.
Tumaas naman ang self-rated hunger sa 21% noong Hulyo mula 17% noong Marso. Katumbas ito ng 5.6 milyong pamilya na nakaranas ng gutom, dagdag na 1.1 milyong pamilya mula sa dating 4.5 milyon.
Sa kabila ng pagtaas, 87% ng mga nakaranas ng gutom ay nagsabing paminsan-minsan lamang ito nangyari.
Ang Mindanao ang nakapagtala ng pinakamataas sa self-rated poverty at food poverty habang ang Balance Luzon ang pinakamataas ang insidente ng gutom sa mga pangunahing rehiyon.
Isinagawa ang survey noong Hulyo 4–11, 2026 sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas.
- Latest



















