^

Punto Mo

Kailangan ba natin ng smart glasses?

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Unti-unti nang dumarami ang mga smart glasses na ibinebenta sa Pilipinas. Bagama’t hindi pa karaniwang makikita sa mga tindahan sa mall, madali na silang mabili sa mga online marketplace. Maraming brand at modelo ang mapagpipilian. Depende sa modelo, maaari itong magkaroon ng camera, mikropono, speaker, Bluetooth, Wi-Fi, voice assistant at koneksiyon sa smartphone. May mga smart glasses ding kayang magsalin ng iba’t ibang wika, tumanggap ng tawag, magpatugtog ng musika, magbigay ng direksiyon habang naglalakad at kumuha ng larawan o video nang hindi kailangang ilabas ang cellphone.

May mga modelo na mabibili sa halagang ilang libong piso, ngunit ang mga de-kalidad at maraming kakayahan ay karaniwang nagkakahalaga ng P10,000 hanggang mahigit P20,000. Ang mga premium na modelo ay maaari pang umabot sa higit P30,000.

Sa ngayon, para sa maraming Pilipino, mistulang luho pa ang smart glasses. Hindi pa ito maituturing na pangunahing pangangailangan, lalo na kung ang layunin lamang ay makinig ng musika, kumuha ng litrato o gumamit ng internet. Totoo, mayroon nang ilang modelong maaaring lagyan ng prescription lenses para sa mga may grado sa mata, ngunit lalo lamang nitong pinapataas ang presyo.

Kontrobersiyal sa ibang bansa ang smart glasses dahil sa privacy. Dahil napakaliit ng­ ­camera at halos hindi mapapansin ng ibang tao, maaaring hindi nila alam na kinukunan na pala sila ng litrato o video. Ito rin ang dahilan kung bakit may mga establisimyento at lugar na naghihigpit o nagbabawal sa paggamit ng ganitong uri ng salamin. Sa ilang bansa, naging paksa rin ito ng mga reklamo, demanda at panawagang higpitan ang mga patakaran sa paggamit ng wearable cameras.

Mahirap ngang malaman kung ang isang tao ay nakasuot ng ordinaryong eyeglasses o isang smart glasses. Maaari itong magdulot ng pangamba, lalo na sa mga pribadong lugar kung saan inaasahan ng tao na hindi siya kinukunan ng video.

Marami ring mabuting gamit ang teknolohiyang ito. Kapaki-pakinabang ito sa mga rescuer, pulis, security personnel, mamamahayag at content creator dahil hands-free ang pagkuha ng video. Makatutulong din ito sa mga biyahero sa pamamagitan ng translation at navigation, at maging sa mga taong nais magkaroon ng mabilis na access sa impormasyon habang naglalakad o nagtatrabaho.

Ngunit maaari rin itong abusuhin, gamitin sa pamboboso, lihim na pagrekord sa mga pribadong pag-uusap, pangha-harass, paniniktik, pamba-blackmail at iba pang paglabag sa karapatan ng ibang tao.

Hindi naman dapat katakutan ang pagdating ng smart glasses. Bahagi lamang ito ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya. Ang tunay na hamon ay kung paano ito gagamitin nang may pananagutan at kung paano makasasabay ang mga batas sa mga bagong imbensiyon. Paano siya magiging makabuluhan sa lipunan nang hindi nawawala ang karapatan ng tao sa privacy?

* * * * * * * * * * *

Email – [email protected]

PILIPINAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with