Cayetano itinanggi na humingi ng ‘ceasefire’ kay Lacson
MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na nag-request siya ng ceasefire kay Senator Panfilo “Ping” Lacson na patuloy ang banat sa kanya kaugnay sa mga diumano’y maanomalyang mga proyekto sa Taguig.
Sa kanyang Facebook Live nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Cayetano na handa siyang harapin ang alegasyon na ibinabato sa kanya.
Sinabi ni Cayetano na noong siya ay nanahimik ay nagagalit umano si Lacson at noon namang siya ay nagsalita ay pinuna ang araw-araw umano niyang paglabas sa Facebook.
“Nung ako’y tahimik, nagagalit si Senator. Nung ako’y salita, nagsasalita, hindi naman araw-araw din yun eh. Sabi niya, araw-araw nagfe-Facebook. Tignan niyo po yung mga posts ko. Hindi po. Hindi po araw-araw yun,” ani Cayetano.
Tiniyak din ni Cayetano na ang salitang ceasefire ay hindi galing sa kanya kundi sa ibang senador.
Pero hindi pinangalan ni Cayetano ang mga senador na nagsabi na dapat mag-ceasefire.
“Sabi ko, haharapin ko. Ang hiningi ko nung tinanong ako, yung salitang ceasefire, sa ibang senador na galing yun. At ang sagot ko nga, guys, hindi niyo ako kailangan kausapin kasi titignan niyo nga. Tahimik nga lang ako, hinihintay ko lang yung alegasyon,” ayon sa minority leader.
Tiniyak din ni Cayetano na hindi niya tino-tolerate ang korupsiyon at ghost projects sa Taguig.
- Latest

















