Wala akong ginawang labag sa batas – Romualdez

MANILA, Philippines — Mariing iginiit ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na wala siyang ginawang labag sa batas at handa siyang patunayan ito, matapos siyang birahin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, Hulyo 27.
Ayon kay Romualdez, masakit man para sa kanyang pamilya ang naging pahayag ng Pangulo, iginagalang niya ito bilang bahagi ng proseso.
Sa kanyang SONA, sinabi ni Marcos na kailangan niyang gawin ang tama kaugnay ng flood control scandal, dahil hindi siya Pangulo lamang ng kanyang pamilya o mga kaibigan.
Binigyang-diin ni Romualdez na sa kanyang panunungkulan bilang lingkod-bayan ay hindi siya kailanman humingi ng pabor o espesyal na pagtrato.
“Masakit man ito sa aming pamilya, iginagalang ko ang naging pahayag ng Pangulo. Hindi ako kailanman humingi ng pabor o espesyal na pagtrato. Sang-ayon ako na gawin natin ang tama. Ang tama ay ang sumunod sa proseso at hayaan ang ebidensya ang magsalita,” ani Romualdez.
Nanindigan si Romualdez na wala siyang ginawang labag sa batas at handa siyang patunayan ito sa tamang proseso.
- Latest
























