Romualdez nilaglag ni Pangulong Marcos sa SONA

MANILA, Philippines — Inihahanda na ng Office of the Ombudsman ang patung-patong na kaso laban kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kaugnay sa flood control projects.
Ito ang pambungad na inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa Batasan Complex, kahapon.
“Mga kababayan ko, naririto akong muli upang tuparin ang aking katungkulan at magbigay ulat sa inyo tungkol sa estado ng ating bansa, at sa mga ginagawa ng inyong pamahalaan,” ayon kay Marcos.
Tulad aniya ng kanyang ipinangako nang huli siyang tumayo para ilantad ang katiwalian na nadiskubre noon sa mga flood control projects ay nagsagawa sila ng malawakan at malalimang imbestigasyon tungkol dito ng walang pagkiling kahit kanino man.
Giit ni Pangulong Marcos, masusi nilang sinuri at sinundan kung saan tayo itinuro ng ebidensya at lahat ng kailangang gawin ay ginawa para matunton ang puno’t dulo nito.
Subalit dumating na aniya sa punto na ayon sa Ombudsman ay malapit na ang paghahain ng patung-patong na kaso laban sa dating Speaker. Bagama’t masakit ito sa kanya ay kailangang gawin ang tama.
“Hindi ako Pangulo ng aking pamilya. Hindi ako Pangulo ng aking kaibigan,” ayon pa sa Presidente.
Sa panghuli, sinabi ni Marcos na siya ay Pangulo ng Pilipinas at ang kanyang tungkulin ay para sa kapwa Pilipino.
- Latest



















