Phal-UAE Oil Hub, isinusulong ni Tulfo

MANILA, Philippines — Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo, chairman ng Senate Energy Committee, ang pakikipagtulungan sa United Arab Emirates (UAE) para sa pagtatayo ng malaking oil storage facility na magsisilbing regional oil hub ng Pilipinas.
Sa bilateral discussions noong Oktubre 29, sinabi ng delegasyon ng Pilipinas na maaaring maisakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng kooperasyon ng dalawang pamahalaan at pribadong sektor.
Ayon kay Tulfo, makatutulong ang pasilidad upang mapatatag ang suplay ng langis at mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at kuryente sa mga Pilipino.
Suportado naman ng Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC) ang plano. Ayon sa kumpanya, kasalukuyan silang nagsusuplay ng humigit-kumulang 40,000 bariles ng langis kada araw sa Petron at maaari pa itong madagdagan kapag natuloy ang proyekto.
Nangako rin ang UAE na magbibigay ng model contract na maaaring pag-aralan ng pamahalaan ng Pilipinas. Target simulan ang proyekto sa ikalawang bahagi ng 2027 kapag napagkasunduan na ang lokasyon, gastos at iba pang detalye.
Bukod sa imbakan ng langis, inaasahang magbubukas din ito ng mas malawak na kooperasyon sa larangan ng kuryente at renewable energy. Giit ni Tulfo, mahalaga ang proyekto upang matiyak ang sapat at mas abot-kayang suplay ng enerhiya sa bansa.
- Latest


















