‘Hindi tayo racist, hindi sinungaling’

MANILA, Philippines — Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang mga Pilipino ay hindi racist at hindi rin sinungaling, kasunod ng muling pag-init ng tensyon sa dagat laban sa China na patuloy na tumatanggi sa 2016 Arbitral Award na nagbasura sa kanilang pag-aangkin sa West Philippine Sea.
“Filipinos are a noble, kind, gracious, and great race. We are not greedy. We are not racists. We are not liars. We are respectful, and we are dignified. We are Filipinos, and we do not yield,” pahayag ng Pangulo sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA).
Nitong nakaraang linggo, nagkaroon ng banggaan sa Ayungin Shoal sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at Tsino — ang unang seryosong insidente sa dagat matapos ang ilang buwan. Ayon sa pamahalaan, inatake ng China Coast Guard ang mga Pilipinong sundalo malapit sa barkong nagsisilbing garison sa pinag-aagawang Shoal.
Sa parehong buwan, naghain ang Maynila ng diplomatic protest laban sa Beijing dahil sa isang “racist” na video ng Chinese state media na inilalarawan ang Pilipinas bilang isang cartoon na unggoy.
Binigyang-diin ni Marcos na ang Arbitral Award, na kamakailan ay nagmarka ng ika-10 taon, ay “final and binding” at nagsisilbing pamantayan sa interpretasyon ng UNCLOS.
“Ito ay hindi lamang ating isinusulong, at higit sa lahat, hindi natin ito tatalikuran,” giit ng Pangulo.
Dagdag pa niya, gagawin ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang hakbang upang ipagtanggol ang Award sa pamamagitan ng mapayapa at legal na paraan laban sa anumang pagtatangka, lokal man o dayuhan, na pahinain ang tagumpay na ito.
Nagpasalamat din si Marcos sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at mga mangingisda sa kanilang patuloy na pagprotekta sa karagatan ng bansa sa kabila ng panganib.
“Sa kanila natin utang ang ating pasasalamat at pagkilala, sapagkat sila ang nagbibigay-buhay sa diwa ng Arbitral Award,” aniya.
- Latest





















