Nafarrete bagong AFP Chief; Gumiran, Army Chief

MANILA, Philippines — Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Lt. Gen. Antonio Nafarrete bilang ika-61 Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kapalit ng nagretiro nang si Gen. Romeo Brawner Jr., ayon sa Department of National Defense (DND) nitong Martes.
Si Nafarrete, na dating Commanding General ng Philippine Army, ang hinirang ng Pangulo upang pumalit kay Brawner na pormal nang nagretiro kahapon matapos makumpleto ang tatlong taong fixed term bilang AFP Chief of Staff noong Hulyo 21.
Si Brawner ang kauna-unahang AFP Chief of Staff na nakapagsilbi nang buo sa ilalim ng naturang batas, matapos ang 41 taong serbisyo sa militar.
Samantala, si AFP-Western Mindanao Command (Westmincom) Chief Lt. Gen. Donald Gumiran ang napiling pumalit kay Nafarrete bilang bagong Commanding General ng Philippine Army.
Bago ang naturang paghirang, binigyang-diin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang susunod na Chief of Staff ay dapat isang istratehikong lider na may kakayahang ipatupad ang mga plano ng AFP at palakasin ang pakikipag-ugnayan nito sa mga kaalyadong bansa.
Dagdag pa niya, dapat dalhin ng bagong liderato ang kasundaluhan sa tamang direksiyon, partikular sa panlabas na depensa, habang pinananatili ang panloob na operasyon laban sa mga komunistang New People’s Army (NPA) at iba pang banta sa pambansang seguridad.
Si Nafarrete, isang Ilonggo, ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Bigkis Lahi Class of 1990. Samantala, si Gumiran, tubong Cabagan, Isabela, ay ika-68 Commanding General ng Philippine Army at nagtapos sa PMA Tanglaw Diwa Class of 1992.
- Latest


















