Marcoleta sumailalim sa ‘independent medical exam’

MANILA, Philippines — Alinsunod sa utos ng Sandiganbayan, sumailalim kahapon sa independent medical examination si Senador Rodante Marcoleta sa University of the Philippines–Philippine General Hospital (UP-PGH). Dumating siya bandang alas-11:15 ng umaga sakay ng PNP General Hospital van na may escort ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nakaposas, nakasuot ng detainee shirt at naka-wheelchair. Bandang ala-1:33 ng hapon ay ibinalik siya sa Camp Crame.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Allen Rae Co, layon ng independent medical examination na matukoy kung medically fit si Marcoleta na humarap sa paglilitis. Aniya, makatutulong din ang independent medical examination upang alisin ang anumang pagdududa ng publiko sa tunay na kalagayan ng kalusugan ng senador.
Inatasan din ng Sandiganbayan ang PNP General Hospital at UP-PGH na magsumite ng kani-kanilang medical report sa loob ng tatlong araw. Ang mga ulat ang magiging batayan ng korte sa pagpapasya kung saan mananatili si Marcoleta habang dinidinig ang kanyang kaso. Nananatiling stable ang kondisyon ng senador at inaasahan pa rin itong haharap sa nakatakdang pagdinig ngayong araw.
Iginiit ni Co na naninindigan ang PNP sa medical findings ng mga doktor nito at itinangging may VIP treatment si Marcoleta. Aniya, bahagi lamang ng standard procedure ang pagbibigay ng kinakailangang pangangalagang medikal sa lahat ng persons under police custody.
Nananatili si Marcoleta sa kustodiya ng CIDG at hindi pa inililipat sa regular na pasilidad ng piitan. Ayon sa PNP, maaari ring pahintulutan ng korte ang paglilipat ng isang detenido sa ibang ospital kung kinakailangan ang espesyal na gamutan o pagsusuri.
- Latest



















