3rd angioplasty procedure sa Ospital ng Maynila, tagumpay

MANILA, Philippines — Inanunsiyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kahapon na matagumpay na naidaos ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) ang kanilang ikatlong angioplasty procedure.
Ayon kay Domagoso, ang procedure ay isinagawa sa isang 67-taong gulang na lalaking pasyente na mula sa City of Manila, na walang ibinayad para sa operasyong nagkakahalaga ng hanggang P1.5 milyon sa private hospitals.
Sa kanyang “Talk to the People” Facebook livestream, sinabi ng alkalde na ang dapat sanang bayaran ng pasyente ay halos P975,000, ngunit kahit singkong duling ay hindi nito kinailangang maglabas ng pera para rito.
Binigyang-diin niya na ang naturang procedure, na kung gagawin sa pribadong pagamutan ay maaaring magkahalaga ng mula P800,000 hanggang P1.5 milyon, ay iniaalok ng libre ng public hospital ng lungsod.
Ani Domagoso, naglaan siya ng halos P25 milyon na standby funds para sa pagbili ng mga kagamitan at para sa maintenance upang masustenahan ang programa.
- Latest






















