‘Oplan Romanov’ ‘di mapatunayan ni VP Duterte – Castro
MANILA, Philippines — Hindi pa napapatunayan ni Vice President Sara Duterte ang sinasabing planong pagpatay sa kanyang pamilya o ang tinaguriang “Oplan Romanov” na ginagamit umano bilang katwiran sa pagbabanta niya laban sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa press briefing sa Malacañang, binigyang-diin ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na mula mismo sa kampo ng Bise Presidente ang pagbanggit sa Oplan Romanov, kaya siya ang dapat magbigay ng ebidensya at hindi ang Palasyo.
Giit ni Castro, binigyan na si VP Duterte ng pagkakataon ng National Bureau of Investigation (NBI) para patunayan ang mga death threats laban sa kanya at sa kanyang pamilya, ngunit hindi ito tinugunan.
“Hindi po kasalanan ninuman kung walang existence ng sinasabing Oplan Romanov, dahil mismong Bise Presidente na nagsabi nito ay hindi napapatunayan,” ani Castro.
Dagdag pa niya, paano makakakilos ang ehekutibo kung wala namang detalyeng ibinibigay ang nag-aakusa.
Naniniwala si Castro na ginagamit lamang ang Oplan Romanov bilang justification sa pagbabanta ni VP Duterte laban sa Pangulo.
Ang reaksyon ng Malacañang ay tugon sa pagbanggit ng defense team ni Duterte sa impeachment trial hinggil sa umano’y “Operation Romanov.”
“Ang pagbabanta ay pagbabanta, sino ka man, nagbanta ka sa buhay ng Pangulo, kahit ikaw ay isang nanay, ikaw ay isang Bise Presidente, walang pagkakaiba iyon, nagbanta ka pa rin sa buhay ng Pangulo,” pahayag pa ni Castro.
- Latest






















